Patindi na nang patindi ang init ng pulitika sa Capiz at Iloilo. Iyan ang naobserbahan ko nang magbakasyon doon. Ang dating kapit-tuko na magkakaibigan ngayon ay nagbabangayan at naglalabasan na ng baho sa isa’t isa, hehehe! Kaya hindi maiwasan ang harangan sa kalsada na nauuwi sa karahasan at sakitan, gaya nang nangyari sa bayan ng President Roxas o Lutodlutod. Sila tuloy ang ginagawang almusal ng mga local radio anchors. Ngunit kung susuriin may mga punto rin naman ang bawat isa dahil ang hangad nila ay ang pagbabago sa pamamalakad, kaya sa Mayo 9 mahuhusgahan na sila ng kanilang mga kanayon at kamag-anakan. Kung sabagay malaki na ang inasenso ng Capiz matapos pulbusin ng Bagyong Yolanda noong 2013. Sa ngayon kasi halos lahat nang mga provincial road na nag-uugnay sa Capiz at Iloilo ay under construction matapos ibuhos dito ni Pres. Noynoy Aquino ang malaking pondo ng Department of Public Works and Highways.
Bilang patunay mga suki, nais kong ilarawan sa inyo ang widening project na kinabibilangan ng Panay, Pontevedra, Panitan, Loctugan, Cuartero na ginawang four lanes na ang mga kalsada. Kaya konting tiis lamang mga kasimanwa ko dahil oras na matapos ang proyektong ipinagkaloob sa inyo tiyak na aangat lalo ang iyong pamumuhay dahil madali na ninyong maibenta ang inaning palay, tubo at seafoods. At doon naman sa naapektuhan ng widening project konting pasensiya mga kasimanwa dahil mababayaran naman kayo kung talaga namang malaking lupa ang nabawas sa inyong propiyedad. Ang masakit nito naapektuhan din ang turismo ng Capiz sa tindi ng El Niño matapos na magkandatuyo ang mga Waterfalls katulad ng Hinulugan Falls, Lalawgon Falls, Kawa-kawa Falls sa Pilar, Liktinon Falls sa President Roxas, Pangilatan Falls ng Tapaz, Manilamon Falls, Kalikasan Falls at Pangabitkabiton Falls ng Jamindan, Capiz.
Kaya ang paniniwala ng mga taga-Capiz at Iloilo ay nasa mga kamay ng mga politiko na kanilang iboboto sa May 9 eleksyon. Mukhang nakakalamang dito sina Mar Roxas at Leni Robredo dahil kahit na sa family reunion ng Millona clan na ginanap sa Sta Barbara, Iloilo City ay bukambibig sila ng aking mga kamag-anakan. Kasi kung si Mar Roxas daw ay walang bahid ng korapsiyon samantalang si Leni Robredo ay matulungin naman sa mga magsasaka at mangingisda na angkop sa kanilang pamumuhay. Mukhang may katwiran ang usap-usapan sa bayan kong sinilangan dahil sa sobra-sobrang kahirapan ang dulot ng El Niño e sino nga naman ang kakalinga sa kanila kundi ang gobyernong maaasahan. Abangan!