PARA sa aming mga doktor, mahalaga ang pagkakaroon ng mga mahuhusay at kumpletong kagamitan upang epektibong magamot at matugunan ang mga pangangailangang medikal ng kanilang mga pasyente.
Kaya naman napakagandang balita na nagkaroon na ng kauna-unahang MRI (magnetic resonance imaging) ang Ospital ng Maynila na lubos na makakatulong nang malaki upang ganap na matukoy ang kalusugan ng kanilang pasyente nito at magamot ito. Ito ay kadalasang ginagamit upang matukoy ang ilang sakit, gaya ng cancer, at kung ano ang mga bahagi ng katawan na may pinsala nito.
Gaya ng iba pang serbisyo ng pagamutan at iba pang district hospitals ng Maynila, libre ang MRI para sa mga residente ng lungsod.
Malaking tulong ito lalo na sa mga mahihirap na pasyente, na hindi kayang magbayad nang mahal upang ma-eksamin sa MRI. Sa impormasyong nakarating sa amin, sa PGH ay aabot sa P5,800 ang bayad sa MRI, samantalang sa Jose Reyes Memorial Medical Center ay P5,500. Higit na mahal ang bayad sa mga pribadong ospital.
Bukod sa bagong MRI, nakabili na rin ang Ospital ng Maynila ng CT scan na P6,000 hanggang P10,000 ang pagpapa-eksamin sa CT scan sa ibang ospital, ngunit libre rin ito para sa mga residente ng Maynila.
Labis na ikinatuwa naman ng pamunuan ng Ospital ng Maynila ang buong suporta ng pamahalaang lungsod upang lubos nilang maasikaso ang mga mahihirap na may matinding karamdaman.
Ayon kay Dr. Edwin Perez, direktor ng Ospital ng Maynila, sa mga nakalipas na panahon, ni wala silang gumaganang X-ray at walang maayos na Radiology Department at kinakailangan pa nilang ilabas ang pasyente at ituro sa ibang pribadong ospital upang sumailalim sa mga naturang proseso, ngayon ay kumpleto na sila sa kagamitan at maayos na at libre pa ang kanilang iniaalok na serbisyo sa publiko.