HINDI lang pala sa San Juan at Quezon City may reklamo na vote buying kundi maging sa Marikina City. Sa totoo lang, may kanya-kanyang gimik ang kampo ng pulitiko kung paano nila ipunin ang mga botante, lalo na ang pagpalusot sa gusto kapag nabuking sila. Tulad ng ibinulgar ni House minority leader at San Juan Rep. Ronaldo “Ronnie” Zamora ang bilihan ng boto sa siyudad niya ay idinaan sa kunyari ay biometrics ng Comelec samantalang sa Quezon City naman ay ang cash for work ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa San Juan ang bayaran ay P500 hanggang P1,000 samantalang sa Quezon City naman ay P1,000 hanggang P1,500. Sa Marikina naman, ang bilihan ng boto ay dapat P4,000 subalit ang ipinamumudmod lang ay P1,800. Ewan ko lang kung abot na ni DSWD Sec. Dinky Soliman ang sistema sa paggamit ng opisina n’ya sa bilihan ng boto. Ang Comelec naman ay hindi pa rin naglalabas ng guidelines ukol sa vote buying para magiyahan ang kapulisan na hulihin ang mga pulitikong nasa likod ng raket na ito. Natutulog na naman sa pansitan si Soliman at Comelec?
Dito sa “Kahit walang work may cash,” …este Cash for Work program ng DSWD, ang ipakikita lang ng botante ang isang indigent letter galing sa kanilang barangay at presto…tumataginting na pitsa na ang mapapasakamay nila. Ang nakakapagtaka, hindi ang kampo ni Marikina Mayor Del de Guzman ang inaakusahang nagbo-vote buying kundi ang kalaban na si Rep. Marcy Teodoro. Para sa kaalaman ni Soliman at Comelec, mismong sa bahay ni Teodoro sa C-Cruz St., Bgy. San Roque ang abutan ng pitsa. O hayan, may giya na sina Soliman at Comelec kung paano hahabulin ang nagbo-vote buying sa Marikina. Hindi tiyak maliligaw ang mga bataan nina Soliman at Comelec dahil parang pila sa MRT at LRT ang haba ng pila ng botante sa opisina ni Teodoro.
Ayon sa mga suki ko, 11:00 a.m. pa lang pumipila na ang mga botante sa bakuran ni Teodoro at pagsapit ng 1:00 p.m., 100 katao na ang pumipila rito. Sino ba ang aayaw sa P1,800? Ang problema lang, malaking halaga ang nawawala sa bulsa ng mga botante dahil dapat P4,000 ang tatanggapin ng beneficiary sa programang ito ng DSWD. Hindi lang sa Dist. 1 nangyari ang bigayan kundi maging sa Dist. 2 at sa bahay ng mga Napay sa Balimbing St., Bgy. Nangka ito ginawa. Kung aabot sa 15,000 ang beneficiary ng DSWD program sa Marikina, aba tumataginting na P27 milyon ang pondo ng DSWD, di ba mga suki? Abangan!