Pakulo ng MMDA

LARGADO na ang bagong pakulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na “No Contact Traffic Apprehension”. Nasa 500 drayber agad ang nasampulan dahil sa paglabag sa trapiko. Ito na ang sagot sa pagiging balasubas ng ilang drayber sa kalye. Ngunit may katanungan ang ilang motorista hinggil sa kung saan itatapon ang mga buwaya o lundag boys este traffic constables ni MMDA chairman Emerson Carlos ma­tapos maitsapuwera sila sa paghaharabas sa mga lansa­ngan. Dati namumutiktik ang mga mangungotong este constables enfor­cers na walang ginawa kundi mag-abang ng mga nagsu-swerving at beating the red Lights. Ngayong camera na lamang ang magi­ging mata ng MMDA sa kalye tiyak na mawawalan na ng silbi ang constables enforcer. Mungkahi ng aking mga kausap kay Chairman Carlos, kung wala nang tara este enforcer na babarikada sa mga pangunahing lansangan, dapat ikalat sila sa mga se­condary road intersection upang maisaayos ang trapiko. Obser­basyon ng aking mga kausap, kulang ang enforcers ng local officials sa mga secondary road na dapat na punuan ng MMDA dahil karamihan sa mga mandarambong na enforcers ay pasok na ang tara sa mga illegal terminal kaya naghahari-harian ang mga pampasaherong bus, jeepney, UV Express at taxi na nagpapasikip sa lansangan. Sayang ang sinusuweldo sa constables kung magpapalaki lang ng tiyan at bitlog.

* * *

May reklamo akong nasagap at nais kong iparating kay Chairman Carlos. Sa Maynila, patuloy ang operasyon ng PMA Towing Service sa kabila ng mga reklamo ng mga moto­rista particular na ang mga cargo truck. Kasi nga mga suki noong nakaraang linggo ay nalagay sa bingit ng kamatayan ang drayber ng Toyota Fortuner  at isang doktora matapos suwagin ng PMA Towing Service na may hatak na dump truck diyan sa Nagtahan Bridge. Hatak kasi nang hatak ang PMA Towing Service kahit walang kapasidad ang kanilang truck kaya hindi nakakayanan ang pagdausdos ng truck na nagdudulot ng pinsala sa motorista. Sila ang dahilan ng pagsisikip ng trapiko dahil sa usad pagong na paghatak ng mga nasisiraang sasakyan. Mula nang talikuran ni dating Vice Mayor Isko Moreno ang pagiging Traffic Czar, nawalan na rin ng prankisa ang PMA Towing Service subalit patuloy pa rin sa panghaharibas. Chairman Carlos, makasisira sa iyong adhikain ang PMA Towing. Dapat pantay-pantay ang trato mo para maging kapani-paniwala ang iyong ambisyon na masulusyunan ang trapiko sa Metro Manila. Kilos Chairman!

Show comments