NABABAHALA man ang publiko ngayon dahil sa epekto ng matinding tag-init kasabay ng El Niño, hindi rin naman maaaring isantabi ang mga ginagawang paghahanda sa parating na tag-ulan. Sa katunayan, ang Lunsod ng Maynila ay patuloy na nagsasagawa ng mga pagsasanay at nagkakaloob ng mga kagamitan sa mga barangay bilang paghahanda hindi lang para sa tag-ulan, kundi sa anumang kalamidad o trahedya, sunog, malalakas na bagyo, at lindol.
Sa pakikipagtulungan ng Meralco, naging mas handa ang mga barangay ng Maynila sa pagkakaloob nito ng daan-daang mga “salba-bote” na kanilang magagamit bilang pangsagip ng buhay sa panahon ng mataas na pagbaha, lalo’t mayroong mga lugar sa kapitolyong lungsod na mabababa at binabaha kahit walang ulan at kung may high tide.
Ang “salba-bote” ay mga salbabidang gawa sa mga bote ng softdrinks at ibinalot sa rubber mesh na isinusuot bilang life vest at maaari ring pagdugtung-dugtungin upang maging balsa. Ang simpleng disenyo nito ay maaaring kopyahin at madaling gawin ng bawat pamilya.
Bukod dito, nauna nang ilunsad ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang mga simpleng kagamitan sa bahay na maaaring ihanda ng mga miyembro ng pamilya bilang basic survival tools gaya ng “Go Timba” o mga lumang balde, sand-in-sack at paracord survival bracelet. Naglaan na rin ang lungsod ng P600 milyon bilang paghahanda ng Maynila sa mga sakuna.
Pagmamalaki ni Mayor Estrada, bumili na rin ang lungsod nang maraming equipment at mga sasakyan upang magamit tuwing may kalamidad. Handa na ang mga rescue vans, amphibious trucks at jeeps, at fiber boats, at iba pang sasakyan at gamit. Plano rin ng lungsod na magkaroon ng long range public address system, weather forecasting system, mobile command and control vehicle at maraming ambulansya. Saad ni Erap, ayon nga sa kasabihan, iba na ang laging handa.
Bukod dito ay inorganisa na rin ng pamahalaang lungsod ang isang malaking disaster conference upang magbigay ng wastong kaalaman at sapat na kahandaan sa bawat Manilenyo sa pagdating ng kalamidad.