EDITORYAL - Nakapasok na nga ba teroristang ISIS?
ISA sa mga napatay sa enkuwentro sa Tipo-Tipo, Basilan noong nakaraang linggo ay ang Moroccan bomb maker na si Mohammad Khattab. Si Khattab, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay narito sa bansa para mag-organisa ng kidnap-for-ransom groups na naka-affiliate sa isang malaking teroristang grupo. Hindi naman pinangalanan ng AFP ang teroristang grupo na kinabibilangan ni Khattab.
Hindi kaya si Khattab ay miyembro ng international terrorist na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS)? Noon pang nakaraang taon napabalita na nasa bansa na ang ISIS at kinakalong ng Abu Sayyaf. May mga naglabasang photo na kasama ng Sayyaf ang ISIS members at ipinakita pa ang black flag ng nasabing terrorist group. Ang ISIS ang responsible sa paghahasik ng lagim sa Paris noong Nobyembre 2015. Itinanggi naman ng AFP na nakapasok na sa bansa ang ISIS. Ilang beses na itong pinabulaanan ng military.
Mapupuri ang AFP sa pagkakapatay kay Khattab at Ubalda Hapilon, anak ng Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, subalit 18 sundalo naman ang nalagas sa mahabang oras na labanan. Nagpatuloy ang operasyon ng military sa Sayyaf at sa pinaka-latest na update, nasa mahigit 30 Sayyaf na ang napapatay. Hindi na raw tatantanan ng military ang pagsalakay sa mga bandido. Pero habang nagsasagawa ng operasyon, muli na namang nangidnap ng dayuhan ang Abu Sayyaf noong Biyernes. Apat na Indonesian ang kinidnap.
Siguruhin ng AFP na hindi pa nakakapasok sa bansa ang ISIS at nakikihalubilo sa Sayyaf. Baka nagkukulang ang kanilang intelligence at masyadong nagtitiwala. Baka wala silang kamalay-malay na nakapasok na sa bansa ang ISIS ay wala pang naaamoy.
Paigtingin naman ang pamamaraan kung paano mapupulbos ang Abu Sayyaf para wala nang kumalong sa ISIS. Huwag ihihinto ang operasyon sapagkat maaaring mabuo at magpalakas muli ang Sayyaf. Ito ang naging kamalian sa nakaraang administrasyon na hindi naging tuluy-tuloy ang pagbuwag sa mga salot na Sayyaf.
- Latest