Child Protection Laws

PAGPAPAIGTING sa Child Protection Laws, isinusulong ni DIWA Representative Aglipay-Villar “It is the power of this House to look into this clamor and find the proper avenues and means to make the law a living reality that protects and succors our children rather than being merely paper with high ideals.” Hawak ng House of Representatives ang kapangyarihang humanap ng angkop na boses at paraan upang isabuhay ang pangangalaga sa kabataang Pilipino, sa halip na pawang sa papel at pananalita lamang. Ilan lang ito sa matitinding mga pahayag na binitawan ni Democratic Independent Workers­’ Association (DIWA) Party-list Representative Emmeline Aglipay-Villar noong Pebrero 2, 2016 sa House of Representatives bilang pagsulong sa mas pinaigting na pagpapatupad ng mga batas ukol sa pagkalinga at pag­tanggol sa mga bata.

Ayon kay Rep. Aglipay-Villar, patuloy ang House of Representatives sa paglaban at pagsasabatas ng mga panukalang nakatuon sa pagpapaunlad ng pangangalaga sa kabataang Pilipino. Gayunpaman, idiniin niya na bagama’t marami nang kautusang naisabatas ukol dito, kinakailangan pa ring maiangkop ang kaalaman ng lipunan sa masusing pagpapatupad nito. Paglalahad ni Rep. Aglipay-Villar, kinakailangang suriing mabuti ang pagpapatupad sa Republic Act Nos. 7610 (Special protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act), 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004), 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act of 2006), and 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009) ayon sa kung paano nito napapantayan ang pandaigdigang pamantayan sa child protection.

Bilang pagtugon, aktibong nakikilahok si Rep. Aglipay-Villar sa isinasagawang qualitative study ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) na naglalayong suriin ang pagpapatupad sa limang batas sa pangangalaga ng kabataan. Ayon sa pag-aaral, kapansin-pansin ang kakulangan sa kaalaman ng publiko sa RA 7610 (Special protection of Children against Child Abuse) at RA 9262 (Anti-violence against women and children) na nag-uugat sa kakulangan ng pondo sa pagpapakalat ng impormasyon. Ayon sa mababang bilang ng mga naisampang kaso, kinakailangan ring gisingin ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa child pornography. Kaugnay nito, natuklasan rin ng PLCPD at UNICEF ang kakulangan sa kaalaman ng mga kababaihan at kabataan hinggil sa kung paano umiwas sa pagiging biktima ng human trafficking. Dagdag pa ni Rep. Aglipay-Villar, hindi sapat ang impormasyon ng publiko sa RA 9208 (Anti-trafficking) at RA 9344 (Juvenile Detention), lalong-lalo na sa mga pagbabago sa panukala.

 

Show comments