MARAMI sa ating mga kababayan ang hirap makakilos, makagalaw at makapaglakbay dahil sa iniindang karamdaman o kapansanan. Hindi biro ang mawalan ng paa o mga paa upang malayang magawa at mapuntahan ang kanilang nais.
Kaya naman napakalaking tulong ang ilang instrumento gaya ng saklay, wheelchair o pagkakabit ng artificial leg upang maibsan ang paghihirap na ito at maging mas madali para sa kanila ang pagkilos at pagtatrabaho.
Sa Lungsod ng Maynila, sa ilalim pa rin ng programang “Bata at Matanda, Alaga ng Maynila,” personal na namahagi si Mayor Joseph “Erap” Estrada ng 100 bagong wheelchairs sa piling benepisyaryo. Noong isang taon lang ay nagpamahagi na rin ang mayor ng higit 150 wheelchairs sa mga mahihirap.
Isa si G. Danilo Hardin sa mga nakatanggap ng libreng wheelchair. Ayon sa kanyang anak na si Melania, lubos ang tuwa ng kanyang 78-anyos na ama na hirap nang makalakad dahil sa samu’t saring sakit matapos personal na matanggap mula sa kanyang matagal na iniidolong si Erap ang bagong wheelchair.
Kuwento ng anak, ngayon ay naipapasyal na nila ang kanilang tatay sa malapit na mall at nakikipagkuwentuhan na ito sa kanyang mga kaibigan, na hindi nila nagagawa noon dahil sa hirap sa pagkilos.
Nakatanggap din ng bagong wheelchair ang 10-anyos na si Atheycia Khate Continuado. Ayon sa kanyang ina na si Diana Marie, matagal nang hindi nakakalakad ang kanyang anak dahil sa hinihinalang cerebral palsy. Aniya, malaking tulong ang ibinigay sa kanilang wheelchair, lalo na sa paglalakbay nila papasok sa paaralan. Ngayon ay Grade 1 na si Atheycia sa Aurora Elementary School sa Malate.
Nagpasalamat din si Ditas Reyes sa natanggap na wheelchair para sa kapatid na si Jose Miguel, 59-anyos, na naputulan ng kaliwang binti dahil sa diabetes. Dahil sa sira-sira na at gumegewang na ang luma nilang wheelchair, kinailangan na nila itong palitan.
Mahalaga ang buong suporta ng pamahalaan at mga organisasyon sa mga kababayan nating may kapansanan dahil sa kabila ng kanilang kondisyon ay maaari silang maging produktibong mamamayan ng komunidad at magkaroon ng masaganang pamumuhay.