(Mula sa Opinion Editor: Ito ang huling kolum na sinulat ni OFW Family Club Representative at dating ambassador sa United Arab Emirates Roy “Amba” Señeres bago siya namayapa noong Lunes ng umaga dahil sa cardiac arrest. Hanggang sa huling kolum, ang kalagayan ng mga OFWs na namatay sa Iraq ang kanyang nasa isipan. Isa si Señeres sa magagaling na kolumnista ng Pilipino Star NGAYON na ang bawat kolum (lumalabas kung Huwebes at Linggo) ay sinusubaybayan nang napakaraming mambabasa. Nagsimula siyang magsulat sa pahayagang ito noong 2011. Nalululungkot at nakikidalamhati ang PSN sa kanyang pagpanaw.)
ANG aking mataos na pakikiramay sa mga inulila ng 14 na overseas Filipino workers na kabilang sa mga namatay nang nasunog ang Capitol Hotel sa Erbil, Hilagang Iraq kung saan sila nagtatrabaho.
Suffocation o hindi nakahinga bunga ng makapal na usok na kanilang nalanghap ang kumitil sa buhay ng ating mga bagong bayani.
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, hindi pa nakikilala ang 14 na kababayang naging biktima ng malagim na trahedya.
Dapat mag-double time ang ating embassy sa Baghdad para makilala ang mga biktima at maipadala agad sa lalong madaling panahon dito sa atin ang kanilang mga labi.
Dapat ding pinuproseso na agad ng Dept. of Labor and Employment at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang makukuhang benepisyo at tulong para sa naiwang pamilya ng 14 na biktima.
Kung ang mga nasawing OFW ay mayroong naiwang anak ang dapat gawin ng gobyerno ay bigyan ng full scholarship mula elementarya hanggang sa makatapos sila ng isang kurso sa kolehiyo.
Dapat ding bigyan ng trabaho ang naiwang mister o misis ng naiwang OFW o kung dalaga pa o binata at ang next of kin ay ang matatanda nang magulang. Dapat bigyan sila ng gobyerno ng puhunan sa negosyo para sila maging productive at hindi aasa sa tulong ng gobyerno sa habang panahon.
Sana kung naging batas na ang nai-file kong bill na awtomatikong bibigyan ng gobyerno ng full scholarship ang anak ng isang OFW na namatay habang nagtatrabaho sa ibang bansa, sana ay nakatitiyak ng makapagtapos ng isang kurso sa kolehiyo ng anak na inulila ng kanyang ama o inang OFW.
Anuman ang kahihinatnan ng imbestigasyon ng Iraqi authorities ay wala na ring katuturan.
Dapat ding makipag-ugnayan ang ating embahada sa Iraq para sa makukuhang benepisyo ng mga biktima mula sa mga may-ari ng kanilang pinaglilingkurang Capitol Hotel.
Basahing mabuti ng ating embahada ang pinirmahang kontrata ng 14 na biktima para tiyakin na makukuha ng naiwang pamilya ang lahat ng benefits.
Kailangan ng naiwang pamilya ang bawat sentimo lalo na at wala na ang OFW na pinanggagalingan ng kanilang ikinabubuhay,
Muli ang aking taus-pusong pakikiramay.