SA darating na Martes (Pebrero 9) ay umpisa na ng pangangampanya para sa mga tatakbo sa pagka-presidente, bise presidente, senador at mga nasa party lists. Tatagal ang kanilang kampanya hanggang Mayo 7, 2016. Para sa mga tatakbo sa pagka-kongresista, governor, mayor, vice mayor at iba pang local officials, mag-uumpisa ito sa Marso 26 at tatagal hanggang Mayo 7.
Ibig sabihin nito, mamumutiktik na naman sa campaign materials ang buong kapaligiran. Magdidilim na naman ang mga eskinita dahil sa dami ng mga nakasabit at nakakabit na tarpaulin, streamers at posters. Hindi rin patatawarin ang mga kawad ng telepono, cable at kung anu-ano pang pagsasabitan ng campaign materials. Pati ang traffic lights ay mapupuno rin nang maraming nakadikit o nakasabit na campaign posters at streamers. Bukod pa riyan ang mga nakasabit na karatula na bumabati ng “HAPPY FIESTA” “HAPPY CHINESE NEW YEAR”, “HAPPY GRADUATION”, “LIBRENG TULI” at kung anu-ano pang pagbati at pang-eepal sa mga ka-barangay.
Mayroong ipinasusunod na tamang sukat para sa campaign materials ang Commission on Elections (Comelec) at ganundin sa kung saan ikakabit ang mga ito. Hindi puwedeng basta ikabit ang posters sa pader o sa mga poste ng kuryente o maski kahoy. Ayon sa Comelec dapat sumunod ang mga kandidato sa tamang paglalagyan o pagdidikitan ng kanilang campaign materials. Hindi maaaring kabit dito, kabit doon ang gagawin ng mga kandidato. May kaukulang parusa umano ang lalabag sa kautusan ng Comelec.
Nagbabala naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na babaklasin nila ang mga campaign posters o mga tarpaulin na wala sa tamang lugar. Hindi raw sila mangingiming alisin ang mga posters na wala sa designated areas na itinalaga ng Comelec.
Sana, magkatotoo ang banta ng Comelec at MMDA. Ngayon pa lamang (kahit hindi pa umpisa ng kampanya) ay may mga lumabag na. Simulan na nilang baklasin ang mga streamers at posters na nakasabit sa cable at telephone wires. Ilang buwan nang nakabalandra ang mga ito at napakasamang tingnan. May mga nakaharang sa traffic lights. Sampolan ang mga ito.