MAPAHABA LANG ANG BUHAY at masigurong ligtas ang anak mo sa lahat ng pagsubok at peligro handa mong harapin makagawa lang ng paraan.
“Isang buwan na ang kapatid ko dun wala pa kaming balita. Sabi ng ahensya ayos lang siya tapos nalaman na lang namin na naghihirap na pala dun kapatid ko,” ayon kay Rosario.
Namasukan bilang Household Service Worker (HSW) sa Qatar ang kapatid ni Rosario Dealagdon na si Jennifer Dealagdon.
Kwento ni Rosario minsan na sinubukan ni Jennifer na mangibang bansa ngunit naloko siya dati. Sa Lebanon sana ang punta niya ngunit napag-alaman niyang napeke lang siya.
Naisipan niyang mag-apply sa Agkeer Agency sa Maynila dahil may kakilala silang may alam ng ahensyang ito. Marami na rin daw itong napaalis sa kanilang lugar.
“Pre-mature kasi nung maipanganak niya ang bunso niya. May butas sa puso kaya’t gusto niyang magsikap para lang maipagamot ang bata,” wika ni Rosario.
Nang mahanapan siya ng employer sa Qatar pinaluwas na siya ng Maynila noong ika-walo ng Disyembre 2015. Pansamantala siyang namalagi dun bago umalis papuntang Qatar noong Disyembre 10, 2015.
Isang buwan nang nakaalis ang kapatid wala pa rin silang balita kung kumusta na ang kalagayan nito. Dahil nakatira sila sa Ilocos Norte tinawagan niya ang ahensya nito sa Pilipinas para makibalita.
“Maayos daw ang kalagayan ng kapatid ko sa amo niyang si Khalid Faris MF Al-Kubaisi. Nagtiwala kami dahil sila ang may kontak dun,” ayon kay Rosario.
Nagtataka sila kung bakit hindi pa ito tumatawag. May mga kakilala naman sila na nangibang bansa na ilang araw lang ang nakakalipas ay kinokontak na ang pamilya.
Nang dalawang buwan na ang kapatid dun tumawag ito sa kanila.
“Umiiyak siya. Iniwan lang daw siya ng amo niya sa kabilang bahay. Naawa sa kanya ang nakatira dun kaya pinahiram siya ng cellphone,” salaysay ni Rosario.
Sumbong sa kanya inuuntog daw siya ng among lalaki. Binubugbog at may bukol na siya sa ulo. Marami na rin daw siyang sugat sa kanyang ulo. Hindi rin daw siya pinasahod mula Disyembre.
Ang nakalagay daw sa kontrata na pinirmahan ni Jennifer ay sasahod siya ng Php18,000 kada buwan.
Mas malaki di hamak sa kinikita nito bilang saleslady sa isang burger junction sa kanilang lugar.
Nagpilit daw itong mag-abroad para matulungan ang pamilya na makaahon sa hirap.
“Hindi na ako nakapagtanong pa sa kanya. Natatakot siyang mahuli ng amo niya dahil pabalik na raw yun at susunduin na siya. Iyak lang ng iyak ang kapatid ko habang nagsasalita,” pahayag ni Rosario.
Hindi na raw niya natanong kung anong pinagmulan ng pananakit. Kung iisipin mukhang malala ang pananakit nito para magkaroon ng bukol at madaming sugat sa ulo si Jennifer.
Nataranta sina Rosario kaya’t agad silang tumawag sa ahensya para ibalita ang nangyari sa kapatid. Galit pa umano ang sekretaryang nakasagot sa kanya.
Nangako naman ang mga ito na titingnan nila ang kalagayan ni Jennifer sa Qatar.
“Sa ngayon po dinala na siya sa accommodation ng ahensya sa Qatar. Ang balita namin ipapadala raw siya sa ibang amo,” wika ni Rosario.
Hindi lang daw sila mapalagay dahil wala silang kasiguraduhan kung mapupunta ba sa mabuting amo ang kanyang kapatid. Sa pananalita pa lang ng kapatid niya nang makausap niya ito halatang-halata na ang takot nito.
“Alam naman namin na hindi lahat ng amo ay tulad ng naging amo ng kapatid ko. May mga kakilala kami na maayos ang kalagayan. Ang sa amin lang makakasiguro ba kaming hindi siya masasaktan ulit?” tanong ni Rosario.
Sa dinanas ng kanyang kapatid hindi na maialis sa kanila na matakot baka mapahamak pa ito sa ibang bansa. Tanging ang ahensya lang nito ang kanilang inaasahan.
Humihingi ng tulong ang pamilya ni Jennifer para malaman kung napagamot ba ito. Masiguro man lang daw nila sana na napatingnan ito sa doktor.
“Kung posible sana pauwiin na lang ang kapatid ko. Nung huli namin siyang makausap gusto na raw niyang bumalik ng Pilipinas,” wika ni Rosario.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sumasang-ayon ako sa sinabi ni Rosario na hindi lahat ng employer sa ibang bansa ay tulad nang napuntahan ni Jennifer.
Kadalasan swertehan din yan na matapat ka sa maayos at marunong sumunod sa naunang pinag-usapan.
Mabuti naman at umaksyon ang ahensya sa ginawang pagsusumbong ng pamilya. Sa mga ahensyang nagpapaalis dapat mino-monitor nila ang kanilang mga tauhan at employer na napuntahan nito para maiwasan ang pananakit na tulad ng kay Jennifer.
Sa dami ng reklamong aming natanggap kalimitan hindi umaaksyon ang ahensya at pilit nilang pinapaniwala ang pamilya dito sa Pilipinas na maayos ang kalagayan nila.
Linggu-linggo o buwan-buwan dapat nilang binibisita ang mga HSW natin dun para naman mabawasan ang bilang ng mga nagrereklamo.
Sa idinulog sa amin ni Rosario nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.
Nakipag-usap naman si Usec. Seguis sa embahada natin sa Qatar kay Consul General Cotawato Arimao upang mapuntahan o mabisita si Jennifer sa accommodation ng ahensya para masiguro kung napagamot na itong si Jennifer.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618