WALA pa ring linaw ang kaso ni Lt. Col. Ferdinand Marcelino, ang dating agent ng PDEA na nahuli kasama ang dating interpreter na Tsino, sa loob ng bahay na sinalakay ng PDEA. Ilang daang milyong halaga ng iligal na droga ang nadiskubre, pati na rin kagamitan para makagawa nito.
May bagong ebidensiya na ipinakita ng Anti-Illegal Drugs Group ng PNP (AIDG). Ilang mga deposit slip na nagkakahalaga ng higit P2 milyon ang nakita sa loob ng bag na dala niya nang mahuli. Kaya ang tanong, ano ang perang ito? Ayon sa tagapagsalita ni Marcelino na kapwa sundalo, ginagamit ang mga nasabing deposit slip para siraan nang husto si Marcelino. Sino naman kaya ang nasa likod nito kung sakali? Tila ang sinasabi ay ito ang mga “kinita” niya sa iligal na droga. Pero ayon sa tagapagsalita, ang mga pondo ay bahagi ng personal na pera ni Marcelino, pati na rin ang “confidential operational fund records” noong bahagi pa siya ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines(ISAFP). Kung ganun, madaling patunayan, hindi ba? At bakit daw bitbit sa kanyang bag ang lahat ng ebidensiya ng pagpasok ng pera kung iligal na nakuha niya ito? Pansinin na hindi itinanggi ang mga perang pumasok sa kanyang banko. Hindi lang masabi pa ang pinaggamitan ng nasabing pera.
Dapat alam ng comptroller ng AFP ang mga pondong iyan, o sino man ang nakatataas na opisyal ni Marcelino noong panahong iyon, kung totoo nga ang layunin ng malaking halagang pera na iyan. Dapat may rekord ng lahat ng pera na ginagamit sa lahat ng operasyon ng AFP. Ayaw nating maulit ang mga kaso nina Gen. Garcia at Gen. Ligot. Ano na nga pala ang nangyari sa mga kaso nila?
Wala pa ring maipakitang opisyal na mission order si Marcelino, at wala pang ahensiya na lumulutang para sabihin na opisyal na operasyon ang ginawa ni Marcelino sa nasabing bahay. Sa aking pagkakaalam, kahit sinong undercover na pulis o sundalo ay sumasagot pa rin sa isang mataas na opisyal, at may dapat nakaaalam ng kanyang ginagawa, para na rin sa kanyang proteksiyon. Nasaan itong mga taong ito? Tulad nga ng sabi ng marami, ang bola ay nasa kamay ni Marcelino para patunayan ang kanyang pagkakawalang-sala. Habang tumatagal na walang umaako kay Marcelino, hind nagiging maganda para sa kaso niya. Marami ang gustong malaman ang katotohanan. Sangkot nga ba si Marcelino sa iligal na droga, o may mga gustong patahimikin na siya dahil marami na siyang nasiwalat at nahuli sa kanyang patuloy na operasyon laban sa kanila?