PAYO sa mga OFW na pauwi mula sa Latin America: Umiwas munang makipagtalik o kung makikipagtalik, gumamit ng condom sa loob ng isang buwan. Mag-ingat na hindi kayo makagat ng lamok.
Ang sintomas ng Zika virus infection ay lagnat, rashes, arthralgia at conjunctivities. Ito ay naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aegypti. Naipapasa rin ito mula sa ina papunta sa kanyang anak habang ipinagbubuntis pa ito.
Isang hinihinalang paraan ng transmission ng Zika virus ay sa pamamagitan ng sexual contact. Bagamat hindi pa ito sigurado, narito ang isa sa mga nakitang ebidensiya.
Noong Disyembre 2013, nagkaroon ng Zika virus outbreak sa French Polynesia. Isang pasyente sa Tahiti ang nagkaroon ng dugo sa kanyang semilya. Noong inaral ng mga eksperto, nakakita ng Zika virus sa kanyang semilya. Hinihinala na ang viral replication o ang pagpaparami ng Zika virus ay maaaring sa genital tract nangyayari.
Sa kasalukuyan, heto ang payo ng mga eksperto:
Sa mga nanggaling sa Latin America (o mga bansa na may Zika), gumamit muna ng condom sa loob ng 1 buwan kung makikipagtalik. Posibleng mahawa ang iyong partner at makaapekto sa sanggol. Sa Brazil ay nagkaroon na ng 4,000 kaso ng microcephaly (maliit ang ulo) sa mga sanggol. Sana ay hindi ito mangyari sa Pilipinas.
Sa ngayon ay wala pang bakuna o gamot laban sa Zika virus. Kaya kailangan nating malaman ang paraan ng pag-iwas nito.
Heto ang aking payo:
1. Kung kailangan ninyong pumunta sa mga bansang ito, gawin ang lahat nang paraan para hindi makagat ng lamok.
2. Magsuot nang pantalon at makapal na damit na hindi aabot ang kagat ng lamok.
3. Maglagay ng lotion laban sa lamok tulad ng Off Lotion.
4. Matulog sa kuwartong may screen. Isara ang bintana at pintuan.
5. Gumamit ng kulambo.
6. Maglinis sa bakuran. Alisin lahat ang naipong tubig.
Salamat kay Ourlad Tantengco sa pag-research ng article na ito.