SA mga nakaraang anti-red tape test na isinasagawa ng Civil Service Commission (CSC), laging bagsak ang Land Transportation Office (LTO) dahil sa corruption na namamayani at sa masamang serbisyo sa publiko. Pero ngayon, pasado ang LTO at marami pang tanggapan ng gobyerno sa anti-red tape test na isinagawa noong nakaraang taon.
Ayon sa report, 99 percent ng mga tanggapan ng gobyerno ay nakapasa. May kabuuang 1,114 na mga tanggapan ang isinailalim ng CSC sa anti-red tape test. Lumabas na 353 ang may excellent ratings samantalang 697 ang nakatanggap ng “good marks” at 15 lamang ang bumagsak.
Kataka-taka kung bakit pumasa ang LTO ga-yung kaliwa’t kanan ang reklamo sa tanggapang ito dahil sa mga kapalpakan kabilang na ang hindi maideliber na mga plaka ng sasakyan at mga driver license na isang taon nang nakabimbin. Singil sila nang singil para sa mga plaka pero wala silang maideliber. Paano nakapasa sa CSC ang ahensiyang ito na umaalingasaw ang baho ng corruption?
Kabilang sa mga tanggapan na nakapasa sa red tape test ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Government Service Insurance System (GSIS), Home Development Mutual Fund (HDMF), Land Registration Authority (LRA), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Professional Regulation Commission, Philippine Statistics Authority-National Statistics Office at Social Security System (SSS).
Sa mga nakaraang taon, bagsak sa anti-red tape test ang mga nabanggit na tanggapan. Gaya nang ginawang red tape test noong 2014 kung saan 67 ahensiya ang bumagsak. Kabilang sa mga hindi nakapasa noon ay Land Registration Authority at Land Transportation Office, pero ngayon ay nakapasa sila. Noong 2013, hindi nakapasa ang Social Security System.
May mga tanong na ipinasasagot sa publiko ang CSC at ito ang pinagbabatayan kung pasado o hindi ang tanggapan. Ang mga tanong ay: 1) Ino-observe ba ang anti-fixing campaign; 2) Nakasuot ba ng ID ang empleado ng gobyerno; 3) Mayroon bang patagong transaction costs; 4) Meron bang mga personnel na uma-assists sa mamamayang nakikipag-transact; 5) Mayroon bang complaint desks; 6) Ino-observe ba ang no noon break policy; 7) Sapat ba ang pasilidad; at 8) Maayos ba o may kalidad ang serbisyo.
Kataka-takang 99 percent ang pumasa sa mga tanggapan ng gobyerno at kabilang nga ang SSS. Hindi kaya dapat isama na rin ang CSC para i-test?