NANGAMBA ang local agents ng Philippine Drug Enforcement Agency at maging ng Criminal Investigation and Detection Group at ng Davao City Police Office, kasali na rin ang mga personnel ng Army-led Task Force Davao na magkaroon ng misencounter kung sakali ngang itutuloy ng mga operatiba na manggaling pa sa national offices ng mga nasabing ahensya ang sinasabing “great raid’’ sa isang shabu laboratory daw dito sa Davao City.
At tiyak na magkaroon ng putukan kung sakali ngang walang coordination na mangyayari sa pagitan ng mga taga-national headquarters at ng kanilang mga local counterparts dito sa Davao City.
Mas mahirap ‘yon kung lahat ng operatibang sasalakay ay pawang mga taga-national headquarters nila at hindi kakilala ng mga local enforcers.
Ang sinasabing “great raid” ayon kay Mayor Rodrigo Duterte ay pakana lang o isang set-up na kunwari may shabu laboratory dito na sasalakayin ng mga nasabing operatibang taga-labas.
Ngunit pinagdiinan din ni Duterte na ang nasabing shabu laboratory ay “fabricated” nga lang dahil ito ay pakana ng mga kalaban niya sa pulitika. Ito ay upang sirain ang kanyang political plans kung saan tatakbo siyang pangulo ngayong darating na halalan sa Mayo.
Sinabi ni Duterte at maging ng mga local authorities dito gaya ng mga taga PDEA XI, na wala ngang shabu laboratory dito sa Davao City.
Walang problema sa mga nasabing raid kung totohanan nga at hindi gawa-gawa lang.
Mahirap din ‘yung ang isang raid ay may bahid pulitika.
Kung magsasagawa man ng raid ang mga taga-labas -- hindi naman siguro balakid ang coordination sa local counterparts nila upang maiwasan ang misencounter.