Ngayong Month of Love lungkot at pighati
ang sa bawat oras ay aking kalimpi;
Wala ang mahal kong sa bawat sandali --
noon ay kasama sa lahat nang gawi!
Batid ko na ring mahirap umibig
sa isang nilakhang kapilas ng dibdib;
Sa bawat sandali napapanaginip
ang kanyang pagtungo sa ibang daigdig!
Tulad nang nangyari sa buhay ko ngayon
hinahanap-hanap magandang panahon;
Sa ilog at batis doo’y naglulunoy
sa mga nasapit na bayan at nayon!
Sa mabangong simoy at dampi ng hangin
maraming gunita ang laging kapiling;
Sa maraming pook na aming narating
Masayang-masaya ang puso’t damdamin!
Kaya ang gunita ay nagpapatuloy
hanggang sa masapit ang bawa’t linggatong;
Gunita na lamang siyang dumadaloy
kaya ang pag-ibig laging sumisibol!
Pag-ibig ko ngayo’y aking iaalay
sa magandang mukhang Inang Pilipinas!
Pagtaas at pagbaba ng ating watawat-
siya’y ilalaban hanggang sa mautas!
At kung kailangang buhay ko’y ihandog
sa bagong digmaan hindi ako takot;
Pagka’t ikaw mahal ang dito’y kasangkot –
inspirasyon kita hanggang sa malagot!