“Pendeho?!”

SANAY NA TAYO na makarinig ng mga kwento ng misis na iniwan, inabandona at ipinagpalit ng mga mister. Bihira ang lalake ang lumalantad at ibinabandera ang nangyari sa kanyang pagbasura dahil sa malaking kahihiyan.

“Hindi ko alam kung bakit nagkaganun ang takbo ng isip ng misis ko. Hindi naman kami nag-aaway pero harap-harapan niya akong niloloko,” pahayag ni June.

Nobyembre 6, 1999 nang ikasal si June Diamsay. Nagkaroon sila ng tatlong anak.

Pareho daw sila ng probinsya kaya sila nagkakilala. Naging maayos naman ang  kanilang pagsasama nung simula ngunit habang tumatagal ay may kakaiba nang napapansin si June sa misis.

Hunyo pa lamang daw noong nakaraang taon nang maghinala si June tungkol sa asawa na may hindi magandang ginagawa. Lagi umano itong umaalis ng bahay at parang wala nang interes sa kanya.

“Janitor ang trabaho ko at ginagawa ko ang lahat para mai­taguyod ang pamilya ko. Hindi ko akalain na ganito ang kahihinatnan ng pagsasama namin,” salaysay ni June.

Kapag tinatanong naman niya ang misis wala itong inaamin sa kanya.

Nobyembre nang umuwi ng probinsiya si June kasama ang kanyang mga anak. Pagbalik nila sa bahay may nakitang mga damit ng lalaki si June.

Sinubukan niyang kausapin ang babae ngunit tulad ng dati hindi din ito nagtapat.

Napag-alaman na lang ni June na may ibang lalaking pinatuloy ng halos dalawang araw ang misis sa kanilang bahay.  Hindi naman niya masiguro kung sino ito, ayaw niyang magpadalus-dalos dahil baka sabihing kamag-anak ito ng misis.

“Yung mga anak ko laging sinasabi na lagi daw may kausap sa cellphone ang nanay nila,” salaysay ni June.

Hindi din daw nito inihihiwalay sa katawan ang cellphone at laging itinatago sa kanya. Kahit sa pagligo ay dala-dala ng misis.

Pagdating ng Disyembre sa halip na magkasama silang pamilya sa Pasko ay umalis daw ng Disyembre 24 ang misis niya at bumalik ng alas kwatro ng Disyembre 25 para kumuha lang ng damit.

“Hindi pa din siya umaamin. May nakausap akong babae at sinabi niyang kabit daw ang asawa ko ng asawa niya,” salaysay ni June.

Nagkunwaring walang alam si June sa nangyayari. Tinanong niya kung kilala ba ng babae ang kabit ng kanyang mister. Sumagot ito na ang asawa ni June ang kabit ng kanyang mister.

Naghanap ng ibang ebidensya si June at naisipan niyang tingnan ang Facebook ng lalaki.

May nakita siyang litrato ng misis na may caption na ‘Ang ganda talaga ng mahal ko’.

“Dun ko na nakumpirma na kababayan lang din pala namin ang lalaki. Hindi ko akalain na magagawa niya ito sa ‘min dahil pareho kami ng pinagmulan,” kwento ni June.

Iniuwi na daw sa probinsya ng misis ang bunso nilang anak. Ang hindi maintindihan ni June kung bakit nagawa sa kanya ng misis ito.

Hindi naman daw sila nag-aaway maliban nitong huli nung malaman niyang may iba itong karelasyon.

“Galit yung asawa nung lalaki sa kanila. Kasal din sila. Ki­nausap ako pero hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin,” wika ni June.

Ibinalik na din daw ni June ang mga damit ng lalaki sa misis nito at kinilala niyang damit nga ito ng kanyang asawa.

Sa pagkakaalam daw ni June ay nagsasama na sa iisang bahay. Hindi na daw nakikipag-usap sa kanya ang misis.

“Gusto kong masampahan ng kaso ang asawa ko. Pati na dun yung kabit niya. Kawawa naman ang pamilya namin sa ginagawa nila,” pahayag ni June.

Wala naman daw siyang ginawang masama sa misis at nagtatrabaho siya ng marangal para sa pamilya.

Nais malaman ni June kung anong kaso ang maaari niyang ihabla laban sa kanyang misis.

“Anong ebidensya po ba ang maaari kong magamit? Yung mga damit pwede na ba yun para pagsasampa ng kaso,” tanong ni June.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo ang lahat ng sinabi sa amin ni June maaari niyang kasuhan ng ‘Adultery’ o pa­ngangaliwa ang kanyang misis.

Kinakailangan niya lang na magsumite ng matitibay na ebidensya para magtuluy-tuloy ang kasong isasampa niya. Mga litrato na magkasama ang dalawa at mas maganda rin kung may makukuha siyang testigo na magbibigay ng salaysay tungkol sa relasyon ng dalawa.

Nabanggit ni June na nakausap niya ang misis ng lalaki, kung pursigido ang babaeng nakausap na sampahan ng kaso ang lalaki ay maaari silang magtulungan.

Kung handa siyang magbigay ng testimonya para ipaalam kung paano niya nalaman ang relasyon ng dalawa.

Ang mga damit na kanyang nakuha ay hindi sapat para maging ebidensya sa korte dahil hindi naman ito makakapagdiin sa kanyang misis tungkol sa relasyon nito  sa ibang lalaki.

Testimonya sa mga taong nakakakilala sa kanila at may nalalaman tungkol sa kanilang pagtataksil at yung mga litrato at kung merong mga sulat ay matibay na ebidensya na siya ay pinependeho ng misis niya.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

***

Nais kong pasalamatan ang OIC ng Barangay Chrysanthemum Village na si Curvy Catalan. Itong si Curvy kahit bata pa lamang ay nagpapakitang gilas sa bago niyang pwesto at higit na gumaganda ang pamamalakad ng Brgy. Chrysanthemum. Hindi lamang dahil sa ‘peace and order’ kung hindi napag-aayos niya ang mga kanyang constituents. Ipagpatuloy mo Curvy ang iyong ginagawa at nasisiguro ko naman na kahit na anong partido o sinong Mayor ay makikita ang iyong talino at galing at walang dahilan para ikaw ay labanan o alisin sa pwesto.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments