DAHIL sa napipintong demolisyon ng old PNB Building sa Escolta, Manila, nagpalabas ng babala ang mga labor groups sa mga nagtatrabaho o di kaya’y nakatira sa paligid, pati na ang mga construction workers na gagawa nito, na mag-ingat laban sa peligro ng asbestos poisoning. Ang PNB building ay isa sa mga landmark ng Maynila na itinayo noong 1960s. Isa ito sa mga pangunahing halimbawa ng mid 20th century “international style architecture”. Karaniwang gamit sa mga pagtayo ng gusali noon ang asbestos lalo na sa airconditioning system, sa mga kisame at sa power transformers. Huli na nang madiskubre na maari palang maging sanhi ng cancer at kung ano pang sakit ang exposure dito.
Noong nakaraang taon ay tinupok ng sunog ang PNB building na mahigit 20 years nang pag-aari ng Lungsod ng Maynila. Noong 1995 nga, ito’y ginawang tahanan ng City College of Manila hanggang malipat ito noong 2007 sa Mehan Garden at maging Pamantasan, ang bagong Universidad de Manila (UDM). Personal kong nabisita ang nasunog na gusali itong mga November ng 2015 nang may hanapin akong mga naiwang kagamitan ng UDM. Nasaksihan ko ang kabulukan ng naiwang balangkas ng gusali – sa katunayan ay ayaw akong papasukin nang walang suot na safety gear dahil sa naghuhulugang mga bakal. Kung alam ko lang noon ang peligrong dulot ng asbestos exposure, marahil ay di ko na sinadya ang building.
May mga sektor na nagsasabing sayang naman kung i-demolish ang building dahil sa angking halaga nito. Ewan ko kung nabisita nila ang lugar. Sa aking namasdan, tama lang ang desisyon ng city government na tuluyan na ang building. At kung nasasayangan na mawawalan ng magandang halim-bawa ng “int’l style architecture”, sino naman ang makapagsasabing hindi magiging obra maestra din ang ipapalit dito?
Imbes na ipilit pang salbahin ang tupok na gusali at gastusan ang retrofitting nito ng karagdagang halaga na hindi kakayanin ng mamamayan ng lungsod, mas maganda nang tuonan ang mga positibong pagbabago. Imbes na magpumilit sa limitasyon ng kasaysayan, isulat na ang bagong kasaysayan ng Lungsod at salubungin ang magiging bagong pakinabang nito para sa mamamayan ng Maynila.