PARANG pelikula ang raid ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Maynila nu’ng Huwebes nang hating-gabi. Hawak ang search warrant, hinalughog nila ang townhouse sa loob ng pang-mayamang subdivision. Natiklo nila ang hinahanap na 64 drum ng kemikal na panggawa ng droga, halagang tumataginting na P256 milyon. Pero nagulat sila sa natagpuang tao roon. Pagsindi ng ilaw nakita nila ang dating hepe ng kanilang Special Enforcement Service, si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino. Kasama nito ang dati rin nilang Chinese interpreter. Hindi makapaniwala ang narcotics agents na ang dating namuno sa paghuli sa malalaking narco-traffickers ay ngayo’y isa na ring drug lord. Bakit nagkaganoon; ano’ng nangyari?
Kung totoong sangkot na sa droga ang dating batikang anti-drug officer, mababatid na malakas na tukso ang droga, Ito’y dahil malaki ang demand para sa bawal na gamot. Matatandaang inulat ng PDEA na 92% ng 1,706 barangay sa Metro Manila ay napasok na ng droga, at 34% sa Sou-thern Tagalog mainland: Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Salot na ang droga sa lahat ng 82 probinsiya at 136 lungsod. Bilyun-bilyong piso ang taunang halaga ng ilegal na kalakal.
Sumisira sa pagkatao ng addict -- at lalo na sa drug lord -- ang ilegal na gamot. Maaalala na nu’ng 2001 ay nahuli si Mayor Ronnie Mitra ng Panukulan, Quezon, na nagta-transport ng 500 kilo ng droga sa ambulansiya ng munisipyo. Matatandaan din na, nauna rito, napatay sa Makati ang dalawang batikang Army officers na nasangkot sa droga at napalaban sa anti-narcotics agents. Ikinasira rin ni aktor-congressman Dennis Roldan ang droga. At ikinamatay ito ng maraming sikat na entertainers, negosyante, at pulitiko.
Ganyan katindi ang salot na droga sa samahan at sa lipunan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).