Hindi mabibili ang hustisya

NAG-AALBUROTO ang mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, dahil nakakadismaya ang ikinuento ng malakanin este mali Malacañang pala na umabot na raw sa P118 million ang ‘help’ na naibigay sa pamilya ng 44 SAF elite commandos na ‘kinatay’ sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ipinagmalaki pa ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr., kung paano nai-palabas ang pondo para sa benepisyo ng pamilya ng Fallen 44.

Ika nga, walang pakiramdam ang gobyernong ito na tila ipinagyayabang pa ang tulong gayong isang taon na ay hindi pa nabibigyan ng hustisya ang SAF 44 na ‘kinatay’ sa Barangay Tukalanipao last January 25, 2015.

‘Bakit kailangan pang isa-isahin kung ano na ang nagawa ng gobyerno para sa fallen heroes?  Bakit?

May presyo na ba ang pagbuwis ng buhay para sa bansa?’ Tanong ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, up to now, mukhang hindi pa rin maintindihan ni Coloma na hustisya at hindi pera ang hinihingi ng SAF 44 families!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa paghahanap ng kangkungan este mali katarungan pala, muling binuksan ang Senate probe sa Mamasapano massacre. Unang, iniskedyul last Jan. 25, ang re-opening ng imbestigasyon pero inurong ito ni Sen. Grace Poe yesterday bilang pagbibigay respeto sa unang taon simula ng mangyari ang ‘katayan.’

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hangad nila na malaman kung ano ang tunay na nangyari noong Enero 25, 2015. Ang re-opening ng Mamasapano investigation ay magbigay sana ng bagong mga ebidensiya gaya ng pangako ng mga nag-request nito kung talagang sila’y sinsero na makamit ang hustisya. Hindi man nito mapapawi ang lungkot at sakit na dinaranas ng bawat pamilya ng SAF 44 pero ang sigurado ay walang katumbas na halaga ng salapi ang kanilang ginawang pagsasakripisyo na ialay ang buhay para sa Philippines my Philippines.

Sabi nga, hindi mo mabibili ang hustisya!

Abangan.

Loyalty, bow!

NAGTATAKA ang mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kung may ibig sabihin pa ba ang loyalty sa sistema ng politics sa Philippines my Philippines?

Sagot - baka dahil sa mala-lobong personal na interes, ambisyong umaabot sa kalawakan, at nakakahiyang kawalan ng dangal, ay naiba na at iniba pa ang kahulugan nito?

Ika nga, nahulog ang kahulugan, at inapakan, at sinipa-sipa. Wala nang kuenta ang loyalty!

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, si Senator Alan Cayetano, ay maa-alalang nakipagbulungan kay Mar Roxas at kay P. Noy mismo para maging kandidato ng LP sa pagka-bise presidente.

‘Ano ang naging usapan? Ayon, walang nangyari kaya pumihit ito ng 360 degrees at tumalon kay Mayor Digong Duterte, nakipag-usap at nanuyo at desperadong naghintay noon habang nagmumuni-muni ang huli kung tatakbo itong panggulo este mali pangulo pala sa Philippines my Philippines.’ bida ng kuwagong urot.

Si Sen. Bongbong Marcos naman ay parang ganito rin. Tumungo kay Duterte, at nang mag-pabebe pa si Duterte, dahil ayaw naman ni Marcos ma-zero, nakipag-tandem kay Sen. Miriam Santiago. Kaso, tumuloy naman pala ang nagpakipot-kipot pa na Duterte, kaya mapapansing mistulang iniwan na rin ni Marcos ang ni minsan ay di man lang niya nakasama sa kampanya na si Santiago.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, Nakikipag-siksikan kay Duterte at Cayetano at mukhang nakaka-singit naman si Bongit?

‘Kailan kaya niya ipagtatapat, kung kakayanin niyang maging matapat, kay Santiago na kahit isang beses lang ay wala siyang diumano’y balak sumama dito?’ tanong ng kuwagong mapagkunwari.

Si Rep. Leni Robredo ay iba at kakaiba. Mukhang sa lahat ng mga kandidato, siya ang pinaka-loyal. Ang siste nga lang, parang napulbos ang kahulugan at natunaw ang kahalagahan ng tinatawag na loyalty. Dati ang akala ay isa siyang progresibo na hindi kayang lamunin ng bulok na sistema.

Sabi nga, nakakalungkot nilunok niya ang lahat ng buong-buo.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, Ang pinaka-malinaw na halimbawa ay ang pag-talikod niya sa sarili niyang boto pabor sa dagdag na pension para sa mga retirado ng SSS. Akala pa naman ng lahat, kapag nagka-ipitan at nagka-pitpitan, ay walang dudang papanig si Robredo sa tao, at hindi sa utos at dikta diumano ng partido.

‘Napakarami pang halimbawa ng pambababoy sa tunay na diwa ng loyalty sa sistema ng pulitika sa Philippines my Philippines.’ sabi ng kuwagong balimbing.

Abangan.

Show comments