PRITONG PORKCHOP, adobong baboy at lechon baka, ang sarap hindi ba? Pero kung araw-araw mong kakainin iyan, masama po ito sa ating katawan. Ang karneng baboy at baka ay mataas sa taba at kolesterol. Ito’y puwedeng magbara sa ating puso, utak at mga ugat. Pangalawa, mababa ang mga karne sa fiber, na tumutulong sa normal nating pagdumi. Pangatlo, may nagsasabi na ang pagkain ng mga karne ay nagdudulot ng kanser sa bituka.
Sino ang dapat umiwas sa karne?
Kung ang kolesterol mo sa dugo ay lampas sa 200 mg/dl, kailangan mo nang umiwas sa baboy at baka. Umiwas din sa mga mamantikang pagkain.
Sukatin po niyo ang inyong waistline. Sa mga lalaki, kung lampas sa 35 inches ang iyong tiyan, sobra ka na sa timbang. Sa babae naman, kung lampas ka sa 31 inches, overweight ka na rin. Hindi ko naman sinasabi na iwaksi niyo na talaga ang mga ito. Pero kung kakain man ay mga 2 beses lang sa bawat linggo. Patikim-tikim lang, kaibigan.
Kung mataas ang iyong presyon, hindi rin mabuti ang baboy at baka sa iyo. Kung mataas ang asukal sa dugo, ibig sabihin ay may diabetes ka na at dapat magdiyeta rin.
Kung may lahi kayo ng kanser, tulad ng kanser sa suso, dapat din kayo umiwas sa taba dahil may pagsusuri na nagsasabi isa ito sa dahilan ng kanser.
Ano ang puwede kong kainin?
Gulay, prutas at isda ang pinakamasustansyang kainin. Healthy ang ampalaya, okra, kangkong, patola at iba pang berdeng gulay. Ang mapulang kamatis at carrots ay magandang panlaban naman sa kanser. Damihan ang kain nito.
Pagdating sa prutas, healthy ang mansanas, saging at mga dalandan at orange. Ang sari-saring isda tulad ng bangus, salmon, sardines ay masustansya rin.
Kung gusto n’yo ng karne at protina, manok na lang ang kainin. Mas healthy ito kumpara sa baboy at baka.
Tandaan, para humaba ang iyong buhay, huwag kumain ng baboy at baka. Good luck po.