GUMULONG kahapon ang reinvestigation sa insidente sa Mamasapano at ang mga nangagsipagsalitang testigo ay yaon ding mga dating police officials na ipinatawag nang ganapin ang unang pagsisiyasat. Pangako nila, magsasabi na sila ng buong katotohanan ngayon? Ha?
Inamin ni dating SAF chief, Gen. Getulio Napeñas kay Senate President Franklin Drilon na siya ang pumirma sa Oplan Exodus o ang malagim na operasyon sa Mamasapano. Ipinagdiinan din si Napeñas ni dating PNP Chief Alan Purisima na siya ang nagplano at nagpatupad ng pumalpak na operasyon.
Binigyan ang mga police officials na ito ng tsansa noon na magsabi ng totoo para matuldukan na ang isyu. Ano ang pumigil sa kanila sa pagsasabi ng totoo noon? Iyan. Iyan ang dapat alamin at anggulong kailangang busisiing mabuti.
Lahat ay ibig malaman ang buong katotohanan pero sa nangyaring bagong imbestigasyon, tila naaalipusta ang alaala ng mga nagbuwis ng buhay sa Mamasapano operations isang taon na ang nakararaan. Yaong tinatawag na SAF-44 at iba pang sibilyan, Kristiyano man o Muslim na nagbuwis ng buhay sa ikadarakip ng isang mapanganib na international terrorist na si Marwan.
Hindi natuldukan ang isyu ng Mamasapano kundi inilantad lang nito ang tunay na kulay ng mga opisyal ng pulisya na nagbigay ng testimonya sa Senado. Paano pa natin aasahan na ang mga opisyal na ito ay magsasabi ng buong katotohanan lalu pa’t ang iba sa kanila ay kakandidato sa elective position sa darating na eleksyon at kasama sila sa mga nanunuyo sa mga botante na ihalal sila?
Kaya kung magtutuloy pa ang imbestigasyong ito, dapat tutukan ng mga Senador ang mga tanong kung bakit hindi nagsabi ng katotohanan ang mga opisyal na ito nang sila ay nasa posisyon pa. Kung tutuusin, nang unang magsalita sila, gaya din ng pagsasalita nila kahapon sa Senado, sila ay pinanumpa at ang paglabag sa sinumpaang pahayag ay labag sa batas. Perjury iyan!
Sige pa mga pinagpipitaganang Senador. Gisahin nang husto ang mga opisyal na iyan!