NOON pa, marami nang mga drayber ng jeepney ang nakikipagkarera kay Kamatayan. Humaharurot at paekis-ekis kung tumakbo. Walang pakialam kung may masagasaan o bumangga sa mga kasalubong na sasakyan. Inilalagay niya sa panganib ang buhay ng kanyang mga pasahero. Karaniwang ang mga jeepney na paekis-ekis kung tumakbo ay biyaheng Cubao-Sta. Mesa-Marikina at Antipolo via Marcos Highway. Tinatawag na “patok” ang mga jeepney at karaniwang mga estudyante ang pasahero. Bukod sa paekis-ekis na pagpapatakbo, sobrang lakas ng sounds ng “patok” jeepneys na halos makabasag eardrum at hindi magkarinigan ang pasahero.
Ang nakapagtataka, ngayon lamang kumikilos ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga drayber ng “patok” jeepney. Noon pa nirereklamo ang mga drayber ng “patok” dahil takaw aksidente pero dedma lang ang LTFRB. Wala silang pakialam kung may maaksidente at mamatay na pasahero at pedestrian dahil sa masamang pagmamaneho. Ilang aksidente na ba ang kinasangkutan ng mga drayber ng patok na jeepney? Marami na pero walang ginagawa ang inutil na LTFRB.
Ngayon na lamang sila nagpupursigi (kuno) dahil nag-viral sa social media ang paekis-ekis na “patok” jeepney habang tumatakbo sa Marcos Highway. Animo’y lasing ang nagmamaneho ng jeepney sapagkat sa pag-ekis-ekis na takbo ay nilalamon na ang ilang lane ng kalsada. Nagmuntik-muntikan nang mahagip ang mga kasalubong na sasakyan.
Kumilos nga ang LTFRB dahil nabuking na ang kanilang pagwawalambahala sa mga ginagawa ng “patok” drayber. Sinuspinde na ang patok driver na nakilalang si Mark Trudy Bumanlag. Katwiran ni Bumanlag na ang kanyang konduktor ang nagmamaneho ng jeepney. Hindi ito pinaniwalaan ng LTFRB at sinuspinde siya ng tatlong buwan.
Kung hindi pa napanood sa YouTube ang paekis-ekis na “patok” jeepney, hindi kikilos ang LTFRB.
Marami pang pasaway na drayber ng jeepney at sana mismong LTFRB ang makadakma sa mga ito. Sana nga!