KAPANSIN-PANSIN ang napakababang presyo ng gasolina at krudo ngayon. Nasa higit P20 na lang ang krudo, habang ang gasolina ay naglalaro sa kalagitnaan ng P30. Ayon sa mga eksperto, napakaraming suplay pa rin ng langis kumpara sa pangangailangan ng mundo, at hindi pa binabawasan ng mga bansang may langis ang kanilang produksyon. Kaya mababa ang presyo, at baka bumaba pa. Ito rin daw ang isang dahilan kung bakit maraming sasakyan sa kalsada ngayon. Dahil mura ang gasolina at krudo, mas ginagamit na ang mga sasakyan. Pero ganun nga, sumama naman nang husto ang trapik.
Binaba na nga ang pamasahe sa mga jeep. Dapat lang sumunod ang mga bus, pati na rin ang flagdown rate ng taxi. Pero hindi pa kumikilos ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang dinadahilan ay may kaugnayan pa rin sa port congestion, at trapik. Dahil sa matinding trapik, napipilitang ilagay muna sa mga bodega o “cold storage” ang mga produkto o pagkain. Gumagastos ang mga kumpanya para rito, kaya raw hindi maibaba ang presyo. Hindi rin umaabot ang lahat ng kanilang binebenta sa tamang oras, dahil na rin sa trapik. Mataas naman daw ang palit ng dolyar kaya halos kanselado raw ang pagbaba ng presyo ng langis. Sari-saring dahilan para lang hindi maibaba ang presyo. Dapat ang kuryente ay bumaba na rin. Kung krudo ang ginagamit sa mga generator na gumagawa ng kuryente, dapat lang bumaba ang presyo na pinakamahal sa Asya.
May epekto rin daw ang murang langis sa ating mga OFW na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan. Ang ekonomiya ng mga bansang may langis ay nakasalalay sa presyo nito. Kaya kung mura na nga sa merkado, hihina rin ang ekonomiya nila. At kapag humina ang ekonomiya, ang unang mawawalan ng trabaho ay ang mga OFW. Bagama’t hindi pa naman nagaganap, may pangamba na baka ganito nga ang mangyari. Dahil nakasalalay rin ang ekonomiya natin sa mga OFW, sigurado apektado rin ang bansa. Kumplikado talaga ang ekonomiya ng buong mundo. Tumaas man o bumaba ang presyo ng langis, may epektong mabuti at masama. Ang importante sa isang ekonomiya ang “resilience”, o ang kakayanang mag-adjust sa anumang sitwasyon. Ito ang gusto nating makamit sa mga panahong ito.