HUWAG nawang masira ang integridad at kredibilidad ng Senado sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa insidente ng Mamasapano na ikinasawi ng apatnapu’t apat na operatiba ng Special Action Force (SAF).
Kung wala rin lang na mga bagong impormasyon o ebidensyang mailalantad sa ikalawang imbestigasyon, ito ay isa lamang pamumulitika at pagsasayang ng salapi at oras. Dapat may mahalaga tayong mapapala sa ikalawang imbestigasyong ito. Pero let’s give it the benefit of the doubt.
Ang pangamba ko lang kasi, maaari itong makaapekto sa kalidad at katapatan ng resulta ng naunang pagsisiyasat at hindi pagiging mabusisi o detalyado ng isinagawang ulat. Sa anumang imbestigasyon, ang dapat mangyari ay sinuyod mabuti ang lahat ng anggulo at pinagtagpi-tagpi ang lahat ng posibleng nangyari bago nagkaroon ng opisyal na ulat.
Dahil sa oras na lumagda ang mga senador sa opisyal na ulat, nangangahulugan lamang ito na naniniwala sila sa nilalaman nito at sa husay ng mga sumulat nito. Ang muling pagbuhay sa insidente ng Mamasapano ay maaaring lumikha ng problema sa hinaharap. Nangangahulugan ba na ang mga saksi sa naunang pagdinig ay hindi naging tapat sa kanilang mga pahayag?
Kung ang sagot ay oo, paanong kinakaharap ng Senado bilang institusyon ang ganitong uri ng sitwasyon? Naloko ba ang mga senador? Sa panahong papalapit na ang halalan kung saan mas umiinit ang takbo ng pulitika sa bansa, hindi dapat gamitin ng mga politiko ang pagdinig para magpapansin sa media at makakuha ng “pogi” points mula sa mga botante. Mahirap bang isipin na ang pagbubukas ng pagdinig ay maaaring mauwi sa hindi inaasahang pangyayari na taliwas sa intensyon ng mga senador? Nasa ating mga senador na pagpapasya