‘Magsasaka, pinakakawawa!’

DAPAT maibalik ang sigla ng mga magsasaka. Ang pinakamahirap na sektor ng lipunan.

Sa halip na ganahan at maging agresibo pa sa pagtatanim, nawawalan na ng gana.

Maliban dito, nawawalan na rin ng pag-asa dahil sa kawalang-katiyakan ng gobyerno sa kanilang mga proyekto at programa.

Ang mga anak ng mga magsasaka at kumukuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura sa mga unibersidad, lumiliit na rin ang bilang.

Hindi pa man ramdam ang epekto ng El Niño, matagal nang sumisigaw ng patubig ang mga magsasaka. Subalit, ang gobyerno, dedma lang.

Ang sekretaryong inupo sa Department of Agriculture na si Proceso Alcala, ‘alang pakialam.

Sa halip na kausapin at maglatag ng conciliatory solution sa problema sa patubig, ang kalihim, pinagtatakpan pa ang kanilang kapalpakan at kapaba­yaan.

Hinay-hinay lang daw ang mga magsasaka sa hinihiling nilang ‘libreng’ patubig o subsidiya. Baka daw kasi mawalan ng pondo ang gobyerno sa ope­rasyon ng irigasyon kung sila ay pagbibigyan.

Mga magsasakang mula sa Central Luzon na sumugod sa NIA office ang tinutukoy ni Alcala. Na­isulat ko ito sa kolum kong ito noong Lunes.

Mga pobreng literal na ‘hampas-lupa’ kung tawagin na nagsadya pang bumaba para lang makiusap kay NIA Admin. Florencio Padernal.

Ewan ko lang kung ano na namang panghihilot ang ginawa ng “refelxologist” na administrador.

Simple lang ang pakiusap ng mga magsasaka mula sa Nueva Ecija, Bataan at Pampanga. Subsidiya ng gobyerno sa kanilang mga bitak-bitak nang sakahan dahil sa El Niño.

Sang-ayon dito sina Mayor Rudy Duterte, Mayor Jojo Binay at Sen. Ping Lacson na ayon kay Alcala, sumasakay lang sa isyu.

Subalit ang naturingang Food Czar na si Sen. Kiko Pangilinan, missing in action.  Abalang-abala sa kaniyang ambisyon.

Si Sen. Cynthia Villar naman na chairperson of the Senate Committee on Agriculture and Food na dapat ngayon nag-iingay, tahimik din at walang pakialam.

Sana ang susunod na administrasyon, mapagtuunan ang pinakakawawang sektor o ang mga magsasaka.

Mabigyan ng tama at maayos na subsidiya. Bigyan ng insentibo. Bigyan ng palugit kung may mga utang man sa gobyerno. Bigyan ng mga konsiderasyon.

Hindi ‘yung gagamitin lang sa kampanya tuwing eleksyon subalit ‘pag nakaupo na, pagsasamantalahan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

 

Show comments