NGAYONG araw na ito bubuksan ng Senado ang muling pag-iimbestiga sa Mamasapano massacre kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napatay. Si Sen. Juan Ponce Enrile ang humiling na magkaroon muli ng imbestigasyon. Mayroon umano siyang matitibay na ebidensiya kaugnay sa massacre. May mga tao umano na gustong magsalita kaugnay sa massacre. Hiniling ni Enrile sa mga may nalalaman pa sa Mamasapano massacre na lumantad at magsalita. Para umano sa bayan ang gagawing pag-iimbestiga. Kakaiba umano ang pag-iimbestigang gagawin ngayon kaysa sa nakaraan.
Isang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang Mamasapano massacre pero hanggang ngayon, ang hustisyang inaasam ng mga naulila ay hindi pa nakakamtan. Wala pang closure ang kaso at inip na inip na ang mga kaanak ng SAF 44 kung kailan ito matatapos. Gusto nilang malaman kung sino ang mga matataas na taong nag-utos ng operasyon dahilan para mapahamak ang SAF 44.
Nagsilbing blocking force ang SAF 44 habang isinasagawa ng kanilang kasamahan ang paglusob sa hideout ng teroristang si Zulkipli bin Hir alyas “Marwan”. Napatay si Marwan subalit mas malagim ang sinapit ng 44 na SAF commandos sa isang maisan sa Bgy. Tukanalipao. Brutal silang pinatay ng mga rebeldeng MILF at BIFF. Nakabulagta na ang mga biktima ay binabaril at tinataga. Hindi pa nasiyahan, pinagnakawan pa ang mga biktima.
Naiinip na ang mga naulila, pero sabi ni President Noynoy Aquino siya man ay naiinip din sa takbo ng kaso. Kung naiinip na ang Presidente, bakit hindi niya ipag-utos sa Department of Justice (DOJ) na bilisan ang pag-iimbestiga at nang malaman ang katotohanan. Kung nais niyang magkaroon ng closure ang kaso at mawala ang mga agam-agam, nasa kanya ang susi. Hangga’t hindi nalulutas ang kaso, walang katiwasayan at apektado ang sinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL). Walang kapupuntahan ang mga plano na naapektuhan ng Mamasapano. Nararapat munang malaman ang lahat-lahat ukol dito.