MATATAPOS na ang Enero, pero wala pa rin tayong nararamdamang lamig ng panahon. Karaniwan sa buwan na ito ay malamig na, pero tila tag-init pa nga sa mga nakaraang araw. Kakayanin pa kaya natin kapag dumating na? Sa tindi ng trapik, tila natatalo ng nga ang mga aircon ng sasakyan lalo na kapag nababad sa araw. Paano na sa Marso at Abril, kung kailan todo na ang init ng araw?
Kabaliktaran naman ang nagaganap sa silangang bahagi ng Amerika. Sobrang lamig naman. Bumabagsak sa negative 6 na antas na sentigrado ang temeperatura. Tuloy-tuloy ang bagsak ng niyebe na umaabot sa ilang piye ang kapal. Kanselado ang mga lipad at maraming kalsada ang sarado dahil sa kapal ng niyebe. Ang pinakahuling tala ng mga namatay ay nasa 14. At ayon sa mga eksperto, hindi pa ito ang pinakamasamang sitwasyon na dulot ng lagay ng panahon. Sasama pa raw. Isa nga lang daw ang natutuwa sa lagay ng panahon, ang giant Panda sa national zoo ng Washington, D.C.
Mga kalagitnaan pa raw ng taon mananatili ang matinding El Niño sa bansa, na dahilan ng mainit na panahon. Sa ilang bahagi ng bansa, maraming tanim ang nasira na dahil sa tagtuyot. Sapat naman daw ang suplay ng pagkain. Ganun pa man, marami ang nawalan ng kita dahil sa El Niño. Sa Cotabato at ilang pang mga probinsiya sa Mindanao, daga naman ang naging problema ng mga magsasaka. Sinisisi rin sa El Niño. Wala nang makain ang mga daga dahil din sa tag-tuyot, kaya sinasalakay na ang mga taniman para sa pagkain.
Wala tayong magagawa sa lagay ng panahon. Kailangang tiisin na muna hanggang sa bumalik sa normal ang lahat. Huwag lang sana sumama pa lalo ang sitwasyon sa ilang bahagi ng bansa, at mahirap na nga para sa marami. Ayon nga sa isang kaibigan ko, walang nananalo kapag ang Inang Kalikasan na ang kalaban, kahit gaano pa ka moderno ang teknolohiya. Mananatiling makapangyarihan ang kalikasan, na humugis din ng mundo milyun-milyong taon na nakararaan. Ang magagawa lang natin ay sabayan at umangkop.