Bakit siya ginawang consultant ni Comelec chairman Bautista?
ANO kaya ang iniisip ni Chairman Andres Bautista nang gawin niyang consultant ang retirado at disgrasyadong opisyal ng Comelec? Umalis na sa ahensiya si dating finance director Eduardo Dulay Mejos. Pero nu’ng 2015 ibinalik siya doon ni Bautista.
Sangkot ngayon si Mejos sa umano’y pangingikil ng 25% kickback mula sa suppliers ng Comelec. Umano’y hinihingan niya nito ang mga nananalo sa biddings, para isyuhan na ng Notices of Award at to Proceed. Ang 25% umano ay: 10% para sa Chairman, 5% sa Bids and Awards Committee, 5% sa implementing director, at 5% “for the boys.”
Kung nag-background check si Bautista, nabatid sana niya na bad shot si Mejos sa Korte Suprema, dahil sa maraming anomalya. Ilan dito:
- P1.3-bilyong pagbili nu’ng 2003 ng depektibong voting machines mula sa Mega Pacific. Sa ponensiya ni Justice Artemio Panganiban nu’ng 2004, kinansela ng Korte ang kontrata, at ipinasakdal at ipinasoli ang bayad kina Comelec chairman Benjamin Abalos, Mejos, atbp.
- P45-milyong pagbayad nina Abalos at Mejos nu’ng 2006 sa matagal nang saradong printer ng Comelec. Para pagtakpan ang ginawa, “winala” ni Mejos ang mga papeles ng transaksiyon.
- P30-milyong ilegal na pagtiktik nina chairman Sixto Brillantes at Mejos nu’ng 2013 sa mga kritiko ng Comelec at sa maanomalyang PCOS voting machines nito. Binawalan ng Kongreso ang Comelec noon na magkaroon ng intelligence funds.
Nu’ng 2006 pa lang ay napuno na ang Korte sa kade-kadenang scams. Pinaaksiyunan ito kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Isa sa mga desisyon niya ay sibakin si Mejos, walang benepisyo at bawal bumalik sa gobyerno, dahil sa grave misconduct. Binigyan siya ng Korte ng 45 araw para ipatupad ang sariling rekomendasyon.
Pero, sumira sa salita si Gutierrez. Pinanatili sa puwesto si Mejos. Nakapag-retiro ito nu’ng 2013. At ngayo’y consultant pa ni Bautista.
- Latest