USO ba ang pagsugod ng mga magsasaka sa tanggapan ng National Irrigation Administration?
Noong Agosto ng nakaraang taon nagsadya ang mga magsasaka, church leader at environmentalist mula sa Kalinga. Nitong mga nakaraang araw, mga taga-Central Luzon naman.
Hindi matiyak kung tulad ng mga taga-Kalinga, hinilot din sila ng “reflexologist” na administrador na si Florencio Padernal. “Reflexologist” kasi kapag may gusot sa NIA, ang galing manghilot. Kinokordon agad ang mga pumupunta sa kaniyang tanggapan para damage control at huwag nang kumalat pa ang isyu sa media.
Iisa ang isinisigaw ng mga magsasaka. Libreng patubig sa kanilang mga tuyot nang palayan na sa anumang kadahilanan hirap ibigay ng NIA. Sa halip magbigay ng solusyon sa problemang dulot ng El Niño, sagot ng NIA sa 200 magsasaka na bumaba pa mula sa Nueva Ecija, Bataan at Pampanga, may hindi pa nababayarang 80% collectibles ang ahensya mula sa mga irrigators association. Lumalabas, kailangan munang bayaran ng mga magsasaka ang kanilang utang bago sila tutulungan?
Ang utang ay dapat bayaran. Tama.
Subalit, kung ang mga pinakakawawang sektor na sa lipunan ang personal nang nakikiusap para lang may mailaman sa kanilang mga nangangalam na sikmura, maisip sana ng gobyerno na magbigay ng konsiderasyon.
Magbigay ng palugit o ‘di naman kaya ibigay nalang bilang subsidiya ang utang para lang may irigasyon. Kung ang mga palpak at pabayang kawani ng gobyerno nga milyones ang suweldo at ibinibigay na allowance, bakit ang mga literal na ‘hampas-lupang’ magsasakang nagpapakain sa atin, para bang tinitiis at pinagkakaitan.
Kung sino pa ang mga nagtatrabaho, sila pa ang mga walang ayudang natatanggap sa gobyerno. Gusto yata ng NIA lumuhod muna ang mga magsasaka bago sila ambunan ng tubig. Tsk…tsk!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.