LABINTATLONG “Oplan Galugad”, at may nahahanap pa ring mga kontrabando sa loob ng New Bilibid Prisons. Ang pinakabagong “nadiskubre” ay swimming pool sa loob ng isang kubol! At hindi ito ang swimming pool na hinihipan para malagyan ng tubig, kundi hinukay sa lupa. Nakatago sa likod ng pader. Sino ba ang lolokohin ng mga dating opisyal ng NBP na wala silang alam, o kinalaman sa mga nakakapasok na kontrabando sa bilangguan? Paano nakagawa ng swimming pool nang hindi nalaman? At ang mga tiles nito, paano ipinasok?
Sa 13 paghalughog sa NBP, sari-saring kagamitan na bawal sa mga bilanggo ang nadiskubre: baril, bala, pera, marangyang appliances, Magic Sing, Playstation, sex toys, cell phone at signal boosters, laptop, pocket wifi, bukod sa mga iligal na droga at alak. Pati ang bagong pasok na si Jason Ivler ay may cell phone na rin sa loob. Matagal ko nang sinasabi na kailangang palitan na lahat ng mga guwardiya sa NBP, at maglagay na muna ng mga sundalo. Hindi maipapasok ang mga ganitong bagay at kagamitan na walang pahintulot ang mga nagbabantay. At hangga’t may pera ang mga mayayamang bilanggo na pambili ng mga guwardiya, hindi titigil ang “Oplan Galugad”. Baka mas madaling gibain na lang ang buong NBP para lumutang na lahat ng itinatago.
May pinaplanong bagong bilangguan sa Nueva Ecija. Ayon kay dating DOJ Sec. Leila de Lima, moderno ang bilangguan at maaring pinakamalaki sa mundo kung dami ng bilang ng mga bilanggo pagbabasehan. At dahil malayo na sa Metro Manila, ang mga ibang problemang hinaharap ngayon ng NBP ay matitigil na. Pero wala ring saysay ang kahit anong modernong teknolohiya, kung marurumi pa rin ang tao na magpapatakbo nito. Kung mabibili pa rin sila, hahanap at hahanap ng paraan para maipasok muli ang kanilang mga kontrabando.
Sa ngayon ay wala na talagang pag-asa itong NBP. Kung lagi na lang maghahalughog ang mga otoridad, ano pa ang silbi ng mga guwardiya? Sibakin na dapat lahat. Bawal na rin daw ang magpasok ng mga construction materials. Bakit ngayon lang? Maglalagay daw ng mga X-ray, metal detector at CCTV, pero tao pa rin ang mga magbabantay niyan hindi ba? At kapag nabili na naman, balik na naman sa Oplan Galugad.