PATULOY ang paglapag ng mga komersyal na eroplano sa mga itinayong paliparan ng China sa mga isla sa West Philippine Sea. At may ulat na dalawa pang paliparan ang malapit na ring magamit ng mga eroplano. Sa ngayon, mga sibilyan na eroplano pa lang ang lumalapag. Nagreklamo nga ang bansa sa tila nagaganap na turismo sa Fiery Cross Reef, pero ayon sa China mga kapamilya ng mga tauhan sa nasabing lugar ang mga dumating na sibilyan. Pero paano malalaman kapag mga military plane na ang bumababa sa mga isla?
Planong maglagay ng CAAP ng kagamitan sa Pag-asa island, para bantayan ang himpapawid sa nasabing lugar. Bagama’t wala naman itong kakayanan mag-monitor ng eroplanong ayaw magpa-monitor, tulad siguro ng mga eroplanong pandigma, may benepisyo pa rin daw ang kagamitan para ipahiwatig ang ating pag-aangkin sa isla. Kung ano ang magiging reaksyon ng China sa planong ito, hihintayin na lang natin. Hinihikayat na ang Amerika na maging aktibo na sa pagpatrol ng karagatan, ngayong may aktibong paliparan na. Bagama’t umaanghang ang mga pahayag mula sa ilang bansa, wala pa ring konkretong aksyon para hamunin ang pag-aangkin ng China sa buong karagatan.
Naglabas naman ng babala ang Vietnam sa China hinggil sa paghahanap ng mga likas na kayamanan, partikular langis, sa karagatan na inaangkin ng Vietnam. May namataang barko na may kakayanang maghanap ng langis sa sahig ng karagatan. Ito nga ang sinasabi ng lahat noon pa. Na kaya nagmamaton ang China sa buong rehiyon ay dahil mayaman umano ang karagatan sa langis at natural gas. Kung maaangkin nila ang buong rehiyon, sila lang nga naman ang makikinabang sa mga kayamanang iyan.
May kasaysayan ng pagsapalaran ang China at Vietnam, kung saan maraming sundalo ng Vietnam ang namatay, bukod sa paglubog ng ilan nilang barko, dahil rin sa teritoryo. Mataas na ang sentimiyento sa Vietnam laban sa China. Marami na nga ang nananawagan na kumilos na ang United Nations dito, pero tila lahat ay may pag-aalinlangang banggain ang higanteng bansa, dahil na rin sa pera. Hihintayin pa bang magkaroon ng masamang enkwentro bago kumilos ang mga sinasabing kaalyado natin sa isyung ito? May isla na sila, may pantalan na, may paliparan na. Susunod na ba ang mga kagamitang pandigmaan?