SISIMULAN na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga tinatawag na “yellow lanes” o”bus lanes” sa EDSA. Sa southbound lane ng EDSA mula Shaw Blvd. hanggang Buendia, bawal na ang mga pribadong sasakyan sa loob ng “yellow lanes”. Noong Lunes, hindi pa binibigyan ng tiket ang mga gumagamit pa rin ng “yellow lanes” dahil unang araw pa lamang. May nalilito pa. Pero sa mga susunod na araw, huhulihin na ang mga magpupumilit at pasaway. Pinag-aaralan na rin kung patutuparin ang “yellow lanes” sa kahabaan ng EDSA.
Sa totoo lang ay matagal nang may ganitong batas sa EDSA. Pero tila napabayaan ng MMDA. Maraming nahuhuli nga sa pagitan ng Buendia at Ayala Blvd. sa EDSA. May takdang lugar lang kung kailan pwedeng kumanan ang mga sasakyan kung liliko patungong Ayala. Pero may mga abusado ring MMDA noon at “swerving” naman ang dinadahilan kung bakit nanghuhuli. Sa tingin ko, magiging problema pa rin ito ng mga motorista. Kaya dapat malinaw ang batas sa aspetong ito. Sa mga nakita kong mga pininturahang palatandaan sa kalsada, masyado nang malapit sa kanto ang binigyang lugar para lumiko. Aksidente ang nakikita ko sa mga lugar na ito.
Marami pang mga batas-trapiko ang tila hindi na rin pinatutupad. Matagal kong alam na bawal ang mga tricycle at pedicab sa mga pangunahing kalsada. May mga karatula pa ngang nakalagay sa mga poste para ipaalam ito. Pero patuloy pa ring bumabaybay ang mga tricycle at pedicab sa mga kalsada. Bakit hindi hinuhuli? Marami rin ang hindi sumusunod sa mga one-way, partikular mga tricycle ulit. Hindi ba talaga sila saklaw ng batas ng kalsada, at pwedeng gawin ang kahit anong gusto nila? Ilang aksidente ang nagaganap dahil sumasalubong sila sa one-way? Ilang away ang nangyayari dahil sa kanilang pagiging pasaway?
Kung may mga batas na mahigpit nang patutuparin sa kalsada, dapat para sa lahat. Sigurado may mga gagamit pa rin ng mga “yellow lanes” dahil mataas ang tingin nila sa sarili nila. At dahil sakit na rin ng Pilipino ang ningas-kugon, baka naman pagkalipas lamang ng ilang buwan ay hindi na naman patutuparin. Hindi rin pwede ang papalit-palit na mga patakaran, at nagkakaroon lamang ng kalituhan. Sa dami ng sasakyan ngayon, kahit isa lang ang malito, trapik na kaagad.