HANGGA’T hindi ibinibigay ang P2,000 dagdag-pension para sa mahigit dalawang milyong SSS retirees, hindi agad mamamatay ang isyung ito.
Unfair at unethical si President Aquino, dahil kinunsinti niya ang pagkagahaman sa salapi ng mga opisyal ng Social Security System (SSS) na umabot sa milyun-milyong piso na kontribusyon ng 31 milyong kasapi.
Tinanggihan ni Aquino ang dagdag-pension na makatutulong sana ng malaki sa mga sakitin at naghihirap na pensionado ng SSS na malapit na ring mamatay pero pinayagan niya ang ginawang “pagsalakay” nang ala-piratang sina SSS president Emilio de Quiros at 33 pang executives na daan-daang milyones ang tinanggap mula sa pondo ng SSS?
Alam ba ninyo kung gaano kalaki ang “dinambong,” este, ibinigay ni De Quiros sa kanyang sarili noong 2013?
Ang kabuuang halaga na “hinold-ap,” este, tinanggap ni De Quiros noong 2013 ay may kabuuang P7.1 milyon, kasama rito ang P1.9 milyong bonus at P3.4 milyong allowances.
Noon namang 2014, ang kinita ni De Quiros sa SSS ay mayroong kabuuang P6.84 milyon. Sa milyones na ito ang tinanggap niyang bonus ay P2.25 milyon.
Ganito ba kasiba si De Quiros at ang 2 executive vice presidents, 7 senior vice presidents, 16 vice presidents at 8 kasapi sa board of directors ng SSS?
Kaya tiyak na milyun-milyon ang tinaga ng mga executive na ito na kanilang kinuha mula sa dugo, pawis at luha ng 31 milyong SSS members na karamihan ay mahihirap at self-employed.
Dahil pinayagan ni Aquino na “salakayin” ng mga buwayang naka-amerikana ang pondo ng SSS kung kaya sinalakay din ng iba pang mga “dorobo” at “mandurugas” na executives ang pondo ng iba pang government controlled corporations.
Ganito ba talaga ang uso sa administrasyong Aquino? Ang mga makapangyarihang opisyal sa gobyerno ay nagpapakabundat sa pondo na para sa bayan, samantalang ang mga mahihirap ay patuloy na inaapi at pinababayaan?
Bakit hindi na lamang sama-samang tamaan ng kidlat ang lahat nang “mandurugas” na opisyal sa gobyerno para wala nang nang-aapi sa mga mahihirap na mamamayan?