ANG Social Security System (SSS) sa akin ay para sa kapakanan ng mga manggagawa. Walang patlang na naghuhulog ng kontribusyon ang mga workers para kapag nagretiro sila ay mayroon silang impok at pensyong tatanggapin. Mula rin dito ang perang itinutustos sa pagkakasakit, disability o kamatayan ng miyembro. Totoong taun-taon ay dumarami ang mga nagreretiro na dapat bigyan ng benepisyo at pension. Pero marami rin naman ang pumapasok sa workforce maliban na lamang kung bagsak ang ekonomiya at mas maraming kompanya ang nagbabawas ng empleyado.
Pero ang gobyerno mismo ang nagmamalaki na maganda ang takbo ng ekonomiya kaya walang dahilan kung bakit dapat mabangkarote ang SSS kapag tinaasan ng P2-libo ang sahod ng mga manggagawa na talaga namang kailangan ng mga retirado. Maganda ang bill na nagtataas sa buwanang pension ng mga retirado ng P2-libo kada buwan. Kakarampot lang kasi ang pension ng mga retirado at kahit P2-k lang, pandagdag din ito sa pambili ng gamot ng mga retiradong sakitin na.
Pero ibinasura ito ni Presidente Aquino. Imbes pirmahan ang enrolled bill ng Senado at Mababang Kapulungan, na-veto ito. Nasilat ang magandang inaasahan ng mga retirado. Si Sen. Cynthia Villar na kasama sa mga umakda ng panukalang batas ang nagsabing, may kalabuang mabaliktad pa ang desisyon ng Pangulo. Sa ilalim ng batas, ang bill na hindi inaksyonan ng Pangulo ay awtomatikong magiging batas sa loob ng 30-araw matapos itong upuan ng Presidente. Kung na-veto, puwede itong ma-override ng two-thirds votes ng mga mambabatas ng dalawang kamara, kaso, malabo na raw itong mangyari…hayyz.
Inuulit ko, sa tingin ko’y imposibleng malugi ang SSS basta’t tama ang paggamit ng pondo at episyente ang pangungulekta nito. Dapat ding maghigpit sa pagpapataw ng parusa ang pamahalaan sa mga kompanyang hindi nag-iintrega ng monthly contribution sa SSS ng kanilang mga kawani.