VERY busy na naman ang ating Presidentiables nitong nakaraang mga araw. Si Vice President Binay ay nag-attend sa Sinulog Festival Cebu kung saan pinagpatuloy niya ang ilan taon nang tradisyon ng pagiging guest speaker; si Senator Grace Poe ay tahimik na nagmasid sa ginanap na Supreme Court En Banc Session sa kanyang diskwalipikasyon bilang kandidato sa kamay ng Comelec; si Mayor Rudy Duterte ay nakipagmeeting sa Nationalist People’s Coalition at si Sec. Mar Roxas naman ay pilit pinagtatanggol ang desisyon ng Presidente na ibasura ang batas na nagtataas sa pensiyon ng mga miyembro ng SSS.
Sa dami at sa init ng mga balita ay madaling malimutan ang iba pang mga pangyayari na karapat-dapat naman sanang tuunan ng pansin. Ang isa dito ay naganap sa Senado kung saan ipinasa ng Mataas na Kamara ang panukala ng nakapakasipag at matulunging Senadora Pia Cayetano na itaas ang bilang ng mga araw ng maternity leave mula sa kasalukuyang 60 (gobyerno) at 78 (pribadong sektor) hanggang sa 100 days!
Ang pagdagdag ng araw ng maternity leave ay pagkilala ng ating mga mambabatas sa mahalagang papel ng ginagampanan ng mga kababaihan sa nation building. Sila’y haligi ng tahanan at ang pangunahing nagbibigay aruga sa mga bagong silang na sanggol – ang kanilang kontribusyon sa lipunan ay hindi matawaran kung kaya’t hanggang sa makakaya ay pinapahalagahan ng estado ang kanilang kaginhawahan.
Ang additional na mahigit isang buwan na maternity leave ay kalkulado upang matulungan ang transisyon ng Ina at ng sanggol hangga’t kumportable na sila sa sitwasyon. Malaking bagay na mayroon silang ganitong benepisyo nang hindi sila mahirapan sa gastusin kahit hindi pa nila kayang mamasukan.
May matagal nang tradisyon ang ating Senado sa pagpapahalaga sa sitwasyon ng mga mag-asawa na nagkakaanak. Naaalala ko pa nung naipanukala ng aking ama, kasama ang kanyang seatmate and partner, ang yumao nang si Senator Boy Herrera, ang batas sa paternity leave. Sa pagbigay pugay sa dinadaanan din ng mga ama, siniguro ng Senado ang suporta sa katatagan ng pamilya.
Mabuhay si Senadora Pia Cayetano at ang kabuuhan ng Senadong bumoto para sa Expanded Maternity Leave.