SABI ni President Noynoy Aquino at ng CEO ng Social Security System (SSS) mismo, malulugi raw ang SSS kapag pinayagan ang P2,000 increase sa mga pensioner. Ang magiging total payout daw ay aabot ng P56 billion sa loob ng isang taon samantalang ang annual investment income lamang ng SSS ay P30-40 bilyon. Kapag binayaran ang pensioners magkakaroon ng deficit na P16 billion hanggang P26 billion. Mauubos aniya ang pondo ng SSS at aabot na lamang hanggang 2029. Ano raw ang ibabayad sa mga pensioner sa hinaharap. Taun-taon din daw ay may mga nagreretiro.
Ito ang dahilan kaya hindi nilagdaan ni P-Noy ang House Bill 5842 na naglalayong dagdagan ng P2,000 ang tinatanggap na pensiyon ng mga SSS retirees. Ang pinakamababang pensiyon na natatanggap ng mga retirees ay P1,200. Ang pagtanggi o pag-veto ni P-Noy sa increase ng pension ay nagbunga nang maraming batikos. Karampot lamang daw ang hinihinging increase pero hindi pa pinagbigyan ng Presidente. Hindi naman daw ito magdudulot ng pagkalugi sapagkat maliit lang kumpara sa milyong pisong suweldo ng SSS officials. Bukod sa suweldo ay mayroon pa rin daw naglalakihang bonus at incentives ang maraming opisyales ng SSS.
Nagpapakita ng kahinaan ang pagsasabing malulugi ang SSS kapag pinagbigyan ang P2,000 increase. Para na ring sinabi ng Presidente na hindi umuunlad ang ekonomiya ng bansa gayung siya ang nagsabing umangat ito. Kung umaangat ang economy, ibig sabihin, maraming magkakaroon ng trabaho. At kung may mga nagtatrabaho, ibig sabihin magkakaroon din ng mga bagong miyembro ang SSS. Kaya paano masasabing malulugi ang SSS kapag nagdagdag ng P2,000 increase. Hindi katanggap-tanggap ang dahilan ng Presidente sa hindi pag-apruba sa House Bill 5842. Naging negatibo agad siya.
Mas nakapagbibigay-pag-asa naman ang sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte na kung hindi puwede ang P2,000 increase bakit hindi gawing P1,000. Hindi na raw kailangang idaan ito sa Kongreso at mismong si P-Noy at ang SSS officials ang magdesisyon dito.
Sana nga, isulong ito ni Belmonte para sa kapakanan ng SSS retirees.