MARAMING may baril sa bansang ito at karamihan ay hindi lisensiyado. Ginagamit ang baril sa paggawa ng krimen. At walang magawa ang Philippine National Police (PNP) kung paano masasamsam ang mga baril na hindi lisensiyado. Kakatwa pang kung kailan may gun ban kaugnay ng 2016 elections saka naman dumami ang nangyayaring krimen, gamit ang baril. Tila ba naghahamon ang mga kriminal sa PNP sapagkat kahit sa karamihan ng tao at sa liwanag ng araw ginagawa ang krimen. At tagumpay ang mga criminal sapagkat bago makarating ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen, nakalayo na ang mga criminal bitbit ang kanilang mga baril. Maaaring nagtatawa pa ang mga criminal sapagkat walang anumang naisagawa nila ang pagpatay.
Halimbawa na lamang ay ang nangyaring pagpatay sa dalawang babae sa Divisoria noong nakaraang Huwebes. Nakunan ng CCTV ang malapitang pagbaril sa mga babae habang naglalakad sa Divisoria kasabay ang maraming tao. Walang anumang nakabuntot ang gunman sa dalawang babae. Nang makalapit ito sa isa sa mga babae, binaril ito sa ulo. Bumulagta ang babae. Nang lumingon ang isa pa sa mga babae, ito naman ang binaril sa mukha. Bumulagta rin ang babae. Namatay noon din ang mga babae. Nagtakbuhan naman ang mga tao dahil sa takot. Nawala na ang gunman nang humalo sa mga tao.
Noong nakaraang linggo rin, isang lalaki na bumibili lamang ng fish ball sa Taguig ang nilapitan ng isang lalaking armado ng baril at walang anumang binaril sa ulo. Bumulagta ang lalaki. Nang makita ng gunman na buhay pa ang lalaki, binalikan ito at binaril pa uli. Sinigurong patay na ang lalaki. Walang tumulong sa lalaki kahit mara-ming nagdaraan. Nakatakas ang gunman.
Nangyari ang krimen, habang pinatutupad ang gun ban. Kung ngayong may gun ban ay walang patlang ang krimen, paano pa kung wala. Nasaan ba ang PNP checkpoint at nakalusot sa kanila ang mga may baril. At bakit hindi agad sila makaresponde sa oras ng pangangailangan? Nasaan ang police visibility?