NOON pa malaki ang paniwala ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na maipapasa ang Freedom of Information (FOI) Bill sa termino ni President Noynoy Aquino. Positibo si Belmonte na bago bumaba si P-Noy ay aprubado na ito. Anim na buwan na lamang sa puwesto si P-Noy.
Sana nga ay mangyari ang sinabi ni Belmonte. Naniniwala kami na kaya pang ihabol ang FOI Bill kung talagang gagawin. Kahit man lamang sana ang panukalang batas na ito ay maipasa para may maiwang magandang alaala si P-Noy sa samba-yanan. Hindi sana balewalain ang FOI Bill kagaya nang ginawang pagtanggi sa increase na P2,000 para sa SSS pensioners. Lagdaan na niya ang FOI Bill sapagkat halos lahat ng Pilipino ay maraming makikinabang dito.
Kung tutuusin ay may proposed funding na ang FOI Bill. Inaprubahan na ito noong nakaraang taon kaya wala nang hadlang para ipasa at lagdaan ang panukala.
Noong 2010 na nangangampanya pa lamang si P-Noy, sinabi niya na susuportahan niya ang FOI sa sandaling maupo siya. Pero nakapagtatakang nabago ang ihip ng hangin at tila wala nang interes ang Presidente. Ano kaya ang dahilan at biglang nagbago ang kanyang pananaw ukol dito. Bakit nawala ang igting nang pagnanais na maipasa ang panukala.
Mamamayan ang makikinabang sa sandaling maipasa ang FOI Bill. Unang-una na rito ang pagpigil sa sinumang opisyal ng pamahalaan na lulustay sa pondo ng mamamayan. Malinaw na nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Malaki ang magagawa ng House of Representatives para hikayatin si P-Noy na maipasa ang batas. Ihabol ito sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Enero 19. May panahon pa para maihabol ito. Ang FOI ang solusyon sa nangyayaring katiwalian.