NOONG nakaraang Disyembre pa inaasahan ng may 2.15 milyong pensiyonado ng Social Security Systems (SSS) ang dagdag na P2,000 sa kanilang tinatanggap na buwanang pera. Pero noong Huwebes, “binaril” ito ni President Noynoy Aquino. Hindi niya nilagdaan ang House Bill 5842 na nagdadagdag ng P2,000 sa pension. Katwiran ng Presidente, magdudulot ito ng pagkalugi sa SSS. Kapag daw pinayagan ang increase na P2,000 ang total payout ay aabot ng P56 billion sa loob ng isang taon samantalang ang annual investment income lamang ng SSS ay P30-40 bilyon. Kapag binayaran ang pensioners magkakaroon ng deficit na P16 billion hanggang P26 billion. Mauubos aniya ang pondo ng SSS at aabot na lamang hanggang 2029.
Kahapon, lumusob sa SSS headquarters sa East Avenue, Quezon City ang mga pensiyonado na kinabibilangan ng mga seniors. Hiniling nila ang dagdag na P2,000. Bakit daw sila ang pinagkakaitan gayung nagsilbi naman sila nang maraming taon? Bakit daw nabibigyan nang malalaking bonus ang mga opisyal ng SSS samantalang sila ay kapiranggot lang ang hinihinging dagdag pero ipinagdamot.
Nagkaroon din ng hiwalay na rally sa Mendiola ang SSS pensioners at pinagbabato ng itlog ang malaking larawan ni P-Noy. Ibinulalas nila ang kawalan umano ng puso at damdamin ng Presidente sa kalagayan nila. Karagdagang P2,000 lamang ay hindi pa maipagkaloob para maipambili nila ng gamot. Sabi pa ng pensioners, hindi nila iboboto ang manok ni P-Noy na si Mar Roxas.
Hindi masisisi ang pensioners kung magalit sa Presidente. Maliit lamang naman ang kanilang hinihingi pero hindi pa ipinagkaloob. Ang pinakamababang pensiyon na natatanggap sa kasalukuyan ay P1,200. Ano ang mabibili nito sa ngayon? Karampot lang ito.
Naipagmamayabang ng pamahalaan ang conditional cash transfer na ibinibigay sa mga mahihirap pero ang karampot na dagdag sa pensiyon ng mga nagsilbi at nag-impok ay ayaw ipagkaloob. Nasaan naman ang puso’t damdamin dito?