HUMAHANGA ako kay US President Barack Obama. Isa siya sa mga magagaling na pangulo ng Estados Unidos.
Sa kanyang huling State of the Union Address, makikita ang kaniyang pagiging isang totoong lider. Mapagkumbaba, hindi nagbubuhat ng sariling banko. Hindi mayabang. Hindi hambog. Hindi insensitibo.
Kabaliktaran sa presidente natin na si Pangulong Noy Aquino. Walang ibang alam kundi magmagaling. Puro pag-aako ng mga nagawa. Kung hindi pananaltik, ang maririnig, pagtuturo ng sisi sa nakaraang administrasyon.
Subalit kapag accomplishments na ang pag-uusapan, kuntodo-puri sa sarili. Tinatapik ang sariling balikat sa kanyang mga nagawa.
Tulad ng sinasabi niya sa condition cash transfer o Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Ito ‘yung programang sinimulan ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ayaw niyang kilalanin at ibigay ang kredito sa ale.
Bagkus ang kanyang sinasabi, napaganda niya raw ang CCT. Kulang na lang sabihin niyang perpekto na ito sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Kung dati P10 milyon lang daw ang pondo ngayon P62 milyon na.
Ito rin yung programa ng pamahalaan na maraming beses nang inirereklamo sa T3. Ayon mismo sa mga benepisyaryo, butas-butas ang pagbibigay-ayuda ng gobyerno.
Ngayon nangangamba si PNoy. Baka raw kasi magamit sa pulitika at pamumulitika ang CCT pagkatapos ng kanyang termino.
Kaya nga nakasalalay daw ang kinabukasan ng mga mahihirap nating kababayan sa KANYANG ‘tagapagmana’ ng pwesto.
Hindi yata nauunawaan ng pangulo na ang kanilang mga pinaggagawa karamihan sa mga programa ng gobyerno ay pamumulitika.
Unang naaambunan at nabibigyan ng prayoridad pagdating sa mga proyekto at pondo ng gobyerno ang mga lugar kung saan ang kongresista, gobernador at mayor kaalyado.
Walang pinagkaiba sa mga milyones na farm-to-market road project. Ang unang nakikinabang, mga pulitikong kaalyado. Kung malayo ka sa kusina, pasensyahan nalang.
Magkaiba ang pangalan subalit iisa lang ang estratehiya, pamumulitika. Sinasala depende kung ang makikinabang oposisyon o kapartido.
Mr. President, hindi pa perpekto ang CCT. Kung sinabi mo man lang sana na marami pang gusot at dapat ayusin sinuman ang papalit sayo sa pwesto nang may pagpapakumbaba at sinseridad, sasaludo at mamahalin ka pa ng tao.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.