(The bank is closed)
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
ANG PAGTATRABAHO sa ibang bansa kung saan ang isang simpleng Household Service Worker (HSW) ay maaaring kumita ng labing walong libong piso sa isang buwan ay parang isang ipo-ipo na humihigop sa ating mga kababaihan para makipag-sapalaran sa isang bayan na wala naman silang alam.
“Trabaho at malaking sahod ang ipinunta ng mister ko pero ngayon nagbabasura na lang sila dun para lang may makain,” ayon kay Rovelyn.
‘Driver’ sa Riyadh ang asawa ni Rovelyn Caliso na si Andrew Caliso.
Umalis si Andrew noong ika-10 ng Agosto 2010 sa pamamagitan ng ahensyang GMBLT Manpower Agency.
“Nung umuwi siya ng bansa bumalik din kaagad. Pagdating niya sa Riyadh, nagkakagulo na pala ang dati niyang employer dahil nalugi na daw ang factory kaya inilipat sila,” pahayag ni Rovelyn.
Ang naging panibago nilang kompanya ay ang Zammy Concrete Factory. Nagtago na din daw ang dati nilang employer kaya wala silang hawak na mga dokumento.
Hindi daw natapos ng kanyang mister ang kontrata dito dahil sa nangyaring umano’y pagkalugi.
Sa halip na panibagong kita ang datnan ng mister niya, ang bumulaga sa kanya ay puro trabahong wala namang sahod.
“Halos walong buwan na silang hindi pinapasahod. Gustuhin man nilang umuwi hindi nila magawa dahil wala silang hawak na kahit na anong dokumento,” salaysay ni Rovelyn.
May apat pa daw na kasamang Pilipino si Andrew doon. Sina Dante Barawid at Jonathan Mantahinay. Hindi naman alam ni Rovelyn ang pangalan ng dalawang kasamahan ng asawa.
Hindi makapaghanap ng bagong trabaho si Andrew dahil hindi niya hawak ang kanyang Iqama, lisensiya at iba pang mga dokumento.
“Namamasura na lang sila ngayon para may makain. Paano na lang kung hindi na sila makadiskarte magugutom na lang ang mister ko dun,” ayon kay Rovelyn.
Sinubukan na daw lumapit ni Rovelyn sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ngunit sagot sa kanya hindi daw sakop ng ahensya ang ganitong problema.
“Wala na akong maisip na mahihingan ng tulong. Nagmamakaawa ang mister ko dahil nahihirapan na sila sa sitwasyon dun. Hindi sila makakain ng maayos,” wika ni Rovelyn.
Hiling ni Rovelyn, matulungan sanang makauwi ang mister at ang mga kasamahan nito sa bansa dahil wala namang magandang naiidulot ang pananatili nila sa Riyadh.
Para sa ibang balita...lumapit sa amin ang isa pang misis ng OFW na si Bernardita Reyes.
Nakatira sa Abra sina Bernardita kaya wala silang malapitan tungkol sa naging problema ng asawang si Macario Reyes na kasalukuyang nasa Jeddah.
“Ang ahensyang nagpaalis sa kanya ay ang IEXCEL Manpower Corporation noong Setyembre 2014. Grader operator siya dun,” pahayag ni Bernardita.
Unang naging employer ni Macario ay si Abdul Rahman Saad al-Qarni. Apat na buwan itong hindi pinapasahod kaya nagpasya siyang umalis na lang.
“May mga anak kaming pinapaaral at nasa kolehiyo pa. Hirap kami kahit na isang buwan lang siyang di masahuran,” kwento ni Bernardita.
Nakahanap ito ng panibagong employer ang Alabawan for Trading Manufacturing and Contracting.
Maayos man ang kalagayan ng kanyang mister natatakot naman sila na baka bigla na lamang itong hulihin. Wala kasi itong mga dokumentong hawak dahil naiwan sa dating employer.
“Mas mahihirapan ang mister ko kapag nahuli siya. Hindi namin alam kung ano ang pwede niyang gawin. Di naman niya makuha ang dokumento sa dati niyang amo para masaayos ang pagtatrabaho niya dun,” wika ni Bernardita.
Sa mga gastusin nila sa pagpapaaral ng mga anak kailangang-kailangan nila ang trabaho ni Macario.
Hiling nila kung matutulungan silang maisaayos ang mga dokumento nito sa Jeddah para maging dokumentado ang pagtatrabaho nito.
Kung sakali naman daw kailangang mapauwi ni Macario ay tatanggapin nila ito.
Ang inaalala lang ng pamilya ni Macario dito sa Pilipinas ay baka mahuli ito at makulong pa sa ibang bansa. Sa halip na mapauwi na lang ay marami pang kailangang ayusin at pagdaanan.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa aming karanasan ang salitang nais naming dalhin mula nung isang taon hanggang buong 2016 ay ang salitang ‘kontento’. Oo nga’t marahil makakakita ka ng ibang trabaho o mga tao na mag-eengganyo sa ‘yo na lumipat ng employer.
Sa kokonting diperensya sa sweldo na iyong ipapadala sa iyong pamilya isinusugal mo naman ang mga komplikasyon na maaaring umusbong at tumubong parang bukol sa iyong ulo na ikasasakit nito.
Ang kaso ni Andrew at Macario ay may kakaibang problema. Puro utos puro utos wala namang sahod. Yung isa naman dahil nalugi ang kompanya apat na buwan siyang tagtuyot.
Sino ngayon ang mananagot ng nawalang pera sa kanya gayung napakadaling magdeklara na bangkarote na ang kompanya. Sino ang dapat maningil hindi ba ang agency na nagdala sa kanya dun? Sino ang dapat singilin? May mapipiga pa ba o baka naman konting langis na lang natira.
Para malaman kung ano ang maaaring tulong ang maibigay sa kanila, nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis at ibinigay namin lahat ng impormasyon tungkol dito.
Kasalukuyan pang nakikipag-usap ang DFA sa embahada natin sa Riyadh at Jeddah para malaman kung anong aksyon ang maaaring gawin sa dalawa nating kababayan.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.