ANG Report Card ay nakikiisa sa pakikiramay sa mga naulila ni German Moreno. Kung tutuusin, nakikiramay tayo sa ating sarili dahil wala na yatang natitirang Pilipino na hindi naabot kahit papaano ng buhay ni Kuya Germs.
Si Kuya Germs ay nag-umpisa bilang ekstra, sa huli ay naging Avatar ng buong mundo ng entertainment. Iilang pangalan lang sa anumang industriya ang maituturing natin na larger than life – na ang kontribusyon ay napakabigat na ang pagtangi sa kanilang reputasyon ay higit sa inilalaan sa ordinaryo. Sa showbiz ay nandyan ang mga pangalang Erap, FPJ at Dolphy. Kasama sa exclusive circle na ito ang pangalang German Moreno.
He made us laugh. Higit sa lahat, ipinamana niya sa atin ang mga kabutihang asal at kaugalian na siniguro niyang manunuot sa ating buto-buto sa pamamagitan ng kanyang daily shows sa Channel 7. Kung ang ating mga magulang ay lumaki sa pag-aalaga ng kanilang mga ama’t ina, ang ating henerasyon at ang mga susunod pa ay pinapalaki ng iisang yaya – at ang pangalan niya ay TV. Ilang oras din sa daily schedule ng kabataan ang inilalaan sa panunood ng TV. At sa programming nito na napupuno ng walang humpay na sex, violence at mga mature na tema, ang mga show ni Kuya Germs ay naging oasis sa gitna ng lahat. Hindi bastos, pinaghirapan at pawang magandang ugali ang mensahe. At, tulad ng napapanood sa TV at nababasa sa pahayagan, ang pinapakita niyang pagkatao sa TV ay salamin din ng kanyang pagkatao sa likod ng kamera – hardworking, mabait, matulungin at maalala. Hindi lang siya Master Showman, isa rin siyang outstanding human being.
Parang tayong namatayan dahil si Kuya Germs at ang kanyang halimbawa ay nanuot na sa ating buto. Subalit huwag tayong malungkot. The show must go on! Ang mga leksyon na napulot natin ay ibahagi sa mga susunod na henerasyon. At kapag kanila itong natutunan, makikita natin – mapupuno ng kasiyahan ang ating puso at tatawa rin tayo gaya ng pagtawa ni German Moreno.