Checkpoint

UMARANGKADA na ang pulitikahan sa lahat nang sulok ng bansa, kaya ipinatutupad ngayon ng Comelec ang gun ban. May mga checkpoint na tinatanuran ng Philippine National Police at Armed Forces of the Phi­lippine na kontrolado at nasa superbisyon ng Comelec. Ma­ging ang balasahan sa hanay ng pulisya sa buong bansa ay ang Comelec lamang ang may pangil sa pagpili ng mga opisyal na mailuklok sa trono, ito’y upang maging parehas ang laban ng mga magkakatunggaling partido. Mababawasan na tiyak ang paghahari-harian ng ilang abusadong pulitiko, hehehe!

Kadalasan nagiging personal army ng mga “trapong politician” ang mga pulis kung kaya upang maiwasan ito ay ang Comelec na ang nagtatalaga upang mawala ang koneksiyon ng mga trapo. Kaya sa ngayon mahigpit na ang pagdadala ng mga baril sa labas ng tahanan ang mga sibilyan, maging pala ang mga pulis o sundalo  ay kailangan pa rin kumuha ng Special Permit sa Comelec. Kaya sa unang arangkada ng gun ban nasampulan agad ang security guard na si Rommel Simbran ng  Barangay Mabini, Santiago City kung saan nakumpiska sa kanya ang dalawang calibre 38 na baril. Mukhang kulang sa kaalaman o impormasyon si Simbran kaya nasorpresa siya sa checkpoint.

Patunay lamang ito na maraming baril pa ang nag­lilipana sa kalye na hindi natutukoy ng PNO, kaya ala-tsamba palagi ang pagkakabingwit, hehehe! Kung sabagay hindi naman maitatatwa sa madlang people na ang mga kilabot na riding-in-tandem ay tuloy-tuloy pa rin ang pamamayagpag sa kalye dahil kulang ang pulis, subalit ngayon na naglilipana na ang mga check point makakasiguro na kaya ang sambayanan na mahihinto ang pana­nalakay ng mga kriminal? Matitigil na rin kaya ang mga private army ng mga pulitiko?

Kung sabagay noong Linggo ng madaling araw kasama ko sina Comelec chairman Andy Bautista, PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez, NCRPO chief Joel Pagdilao sa pagrerekorida sa mga checkpoint na inilatag sa Quezon City, Pasig City at Makati City. Nagkabuhol-buhol ang trapik sa mga naturang lugar dahil sa super higpit na pinairal sa checkpoint, subalit marami akong nakitang mga motorista na nakangiti kay Chairman Bautista. Patunay ito na kuntento ang ating mga kababayan sa checkpoint sa kalye.

Samantala kung abala man sa ngayon ang PNP at mga sundalo sa pagmamantine ng checkpoint aba’y naging masigasig naman itong sina Abe Castillo, Presidente ng United Gatchalian Villages Home Owners Association at Isaac Eugenio, Presidente ng  Samahang Magkabalikat ng Manuyo Dos Home Owners Association Inc sa pagsita sa mga may ari ng mga motorsiklong malalakas ang ingay ng tambutso. Suportado itong pakulo nina Castillo at Eugenio ni Barangay Chairman Mark Nery ng Manuyo Dos, Las Pinas City dahil kaliwa’t kanan ang reklamo ng mga residente. Kaya ang payo ko sa mga taga-Manuyo Dos parikular na yung taga-Gatchalian Subdivision pasakan na ninyo ang  mga tambutso ng inyong motorsiklo ng makaiwas kayo sa abala at kaparusahan.

Show comments