TEXT ito ng isang retired general tungkol sa P-Noy admin: “Ang mga moron na ‘yan, sa ngalan umano ng modernisasyon, pinaaalis nila ang jeepneys na mahigit 15 taong gulang. At sa ngalan din ng modernisasyon, bumibili sila ng combat-utility helicopters na 50 taong gulang na.”
Lalong magngingitngit si Heneral kung malaman niya na, batay sa timetable nila, ang ipinipilit nilang jeepney phaseout ngayon ay sisimulan sa 2017 pa -- kung kelan wala na sila sa gobyerno.
Oo, ganyan mag-isip ang mga moron, lalo na sa Departmet of Transport and Communications. Tila binabaril ang sarili sa paa. Tila sinasabotahe ang kandidatura ni admin presidential standard bearer Mar Roxas. Aba’y galit na galit ang mga tsuper at operators ng jeepneys.
Isa pa itong ikagagalit ng mga motoristang naiipit sa trapik. Iniipit ng Philippine National Railways ang aplikasyon ng isang joint venture na ayusin at upahan ang riles na nagdudugtong sa Manila at Laguna.
Subsidiary ng Meralco ang M-Rail, at tagapamahala ng Manila International Container Terminal ang ICTSI International Container Terminal Services Inc. Sa joint venture, panukala nila imodernisa ang mga bulok na riles mula Tutuban, Manila, hanggang Calamba, Laguna. Tapos, uupahan nila ang bagong riles para i-tren ang cargo container mula sa Port of Manila tungo sa inland port ng ICTSI sa Calamba. Mula roon kukunin ng importers sa Southern Luzon ang kanilang kargamento. Luluwag ang trapik sa Kamaynilaan, South Luzon Expressway, at Cavite Expressway. Magkakapera pa ang gobyerno.
Pero anang sources sa DOTC at PNR, ninanakaw ng isang U-Sec ang ideya. Imbis na manatiling policy maker o regulator, nais daw nito na mismong ipakontrata ang proyekto sa mga kaibigan. Pakikialaman nila ang pagbili mulang malalaking bagon hanggang sa maliliit na pako. Siyempre may kickback ang mga ganid. Ginawa rin ito ng DOTC sa Metro Pacific Group, na nagpanukala na i-expand ang riles ng MRT-3.