‘Ihaw-ihaw...Tusok-tusok’
(Huling Bahagi)
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
“Kami itong namatayan at naagrabyado. Yung dalawang nahuli makalipas ang isang taon pinakawalan. Tama ba naman na ganun ang nangyari, mahina raw ang ebidensya namin,” ayon kay Marietta.
Noong nakaraang Biyernes ay itinampok namin ang tungkol sa pagkakasaksak sa anak nina Melvin at Marieta Bernardino na si Marxin.
Kinasuhan nila ng ‘Murder’ at ‘Attempted Murder’ sina Donald Buyo alyas Tuts, alyas Juan na labing pitong taong gulang, Gemar Jhon Alvaro at isang John Doe na kalaunan ay nakilala sa alyas na Jed Espiritu.
Ayon sa kontra-salaysay ni alyas Juan na wala raw siyang kinalaman sa pagkamatay ni Marxin. Ang totoo raw nangyari nung oras at petsang nasabi ay sinamahan niya pauwi si Gemar.
Natatakot daw kasi itong umuwi mag-isa dahil pinagbantaan daw ito ni Mark Anthony. Kasama rin daw nito ang tiyuhin nitong si Donald.
Habang naglalakad daw sila pauwi ay nakita nilang nag-aabang si Mark Anthony at lumapit.
“Pare bakit mo ‘ko binobombahan?” tanong daw nito kay Gemar.
Umawat daw kaagad si Donald pero tinutulak ito Mark Anthony. May isang babae at biglang sinapak sa mukha si Gemar. Nagdatingan ang maraming kalalakihan at pinagtulungan sila.
Sina Marxin at dalawang kasama nito ang umano’y bumugbog kay Gemar. Nakatayo si Gemar sa tulong ni Jade at pilit siyang kumawala at tumakbo.
Pinabulaanan din ni Gemar Alvaro ang bintang sa kanya ni Melvin. Wala raw itong katotohanan dahil mahigit sampu raw sina Marlon dun at sila’y napapaligiran ng mga ito.
Nung nilapitan daw siya ni Aileen Bernardino ay sinuntok siya ng isa sa kanila na may hawak na matigas na bagay at wala na siyang nagawa kundi ang tumakbo. May sumusuntok pa raw sa kanya at humahampas habang siya’y tumatakbo.
Nakainom daw ang kabilang grupo dahil amoy alak ang mga ito. Kung meron man daw dapat managot sa batas ay ang mga Bernardino ito dahil sila ang binugbog ng mga ito.
Naglabas pa ng testigo ang panig nina Donald na mga menor de edad. Isang labing isang taong gulang at ang isa naman ay trese anyos. Ayon sa mga ito nakita nila si Mark Anthony na dinunggol sa dibdib si Donald.
Sabi pa sa kanya ni Donald “Pare tumigil ka na para wala nang away.”
Bigla na lang daw lumabas si Aileen at sinampal si Gemar at dun na naglabasan ang mga lalaking nagpapraktis ng sayaw na mga lasing at pinagtulungan si Gemar.
Matapos nilang magpasa ng kani-kanilang mga salaysay at testigo naglabas ng ‘Joint Resolution’ si Assistant Prosecutor Francisco Macaraig noong ika-28 ng Oktubre 2014. Ang mga akusadong sina Gemar at alyas Juan na nadakip nung mga panahong yun at pormal na iprinisinta sa Inquest Proceedings. Matapos ang masusing pagsusuri sa mga tala inirerekomenda na ang dalawang kasong Attempted Murder at Murder ay maisampa laban kay Donald.
Hindi nakapagpasa ng kontra-salaysay si Donald kaya ang mga alegasyon sa kanya ng nagrereklamo ay naging ‘uncontroverted’. Lahat ng testimonya ay nagsasabi na naroon ang mga akusado nang mangyari ang suntukan. Hindi maituturing na nagkaroon ng pagsasabwatan.
Kailangang mapatunayan na ang tatlo ay nagtulungan at nagsabwatan na may kasamang motibo ng pagpatay kay Marxin at sa pagkakasaksak kay Patrick. Ang pagiging naroon nila sa sa pinangyarihan ay hindi ibig sabihin na nagkaroon sila ng sabwatan.
Habang sila ay naroon hindi alam ng ibang akusado na armado itong si Donald. Ang pananaksak ay ginawa ni Donald sa dibdib ng biktima. Ikinokonsidera na nagkaroon ng pagtataksil dahil hindi nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na ipagtanggol ang kanyang sarili.
Inirerekomendang isampa ang kasong Murder at Attempted Murder laban kay Donald habang Dismiss naman ang kaso kina Gemar at alyas Juan at isang John Doe na nakilala sa alyas na Jed Espiritu.
Nag-file naman ng Opposition to the Motion to Withdraw Information sina Melvin.
Naglabas naman ng Order si Presiding Judge Johnmuel Romano Mendoza ng Regional Trial Court (RTC) Branch 26 Cabanatuan City. Ang Motion to Withdraw Information ay ‘Granted’.
Sina Gemar at alyas Juan ay pinalalabas na sa kulungan maliban na lamang kung meron siyang ibang pananagutan sa batas.
Tanong nina Marietta bakit nakalaya ang mga akusado gayung namatay na ang kanilang anak.
Kasalukuyang naghain ng Petition for Review sa Department of Justice sina Melvin sa kasong Murder laban kay Gemar.
SA AMIN DITO CALVENTO FILES, si Donald ang nakasaksak kay Marxin at naging dahilan ng pagkamatay nito ang tama sa dibdib. Kung mapapatunayan nila na kasabwat ni Donald ang mga akusado sa kasong ito maaaring masali pa sila sa mga nasabing kaso.
Hindi nakapagbigay ng kanyang sagot si Donald. May kasabihan nga tayong ‘flight is indicative of guilt’. Kung talagang walang kasalanan si Donald hindi niya kakailanganin tumakas. Hinarap niya dapat ang kaso para maibigay ang kanyang panig sa lahat ng mga akusasyong ito.
Kung may dati na silang alitan at magiging elemento na maaaring magdiin sa kanila na sila’y nagtulungan at pinlano ang pagpatay magiging dahilan ito para siya’y masampahan ng kaso. May motibo ng lumilitaw.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest