KAILANGAN pa ring isapubliko ni Transport Sec. Joseph Abaya ang laman ng MRT-3 maintenance deal niya sa Koreanong Busan Transport. Kailangan pa rin niyang ipaliwanag ang pakulo niyang emergency para mag-closed door negotiation imbis na public bidding. Kailangan pa rin niyang ipaliwanag kung bakit P3.8 bilyon ang kontrata. Kailangan pa rin niyang ipaliwanag kung bakit ang apat na di-kilalang Pilipino principal partners ay ni walang kinalaman sa railways kundi sa real estate, agricultural supplies, trading, at plumbing.
Sinabi ‘yan ni Sen. Grace Poe matapos mag-presscon si Abaya nu’ng Biyernes. Palalong sinikap ni Abaya na i-deny ang exposés ng The STAR na nagdalawang-isip ang Busan sa pagsimula ng maintenance nu’ng Ene. 5. Kesyo raw nagkalituhan lang dahil sa language barrier.
Mababaw ang palusot ni Abaya. Oktubre pa nang magkaigihan ang Busan at gobyerno. Inanunsiyo ni Abaya ang kontrata nu’ng Disyembre 24, nu’ng abala ang lahat sa Kapaskuhan. Kung may gusot pa pala sa wika, e di noon pa dapat nabatid at naayos.
Pero balik tayo sa buod. Isyu rito ay karapatan ng mamamayan malaman ang mga transaksiyones ng gobyerno na may kinalaman sa kanila. Sa Busan et al na basta lang pinili ni Abaya, kelangang masiguro ng daan-daan-libong araw-araw na sumasakay sa MRT-3 na matino ang maintenance, at ligtas ang kanilang buhay sa pag-commute. Gayundin sa milyong motorista at pedestrians sa avenue sa ilalim. Dapat mag-accounting sa lahat ng taxpayers, na babalikat ng P3.8 bilyon.
Saan nanggaling ang apat na Pilipino partners: Edison Construction Development Corp., Tramat Mercantile, TMI Corp., at Castan. Sino si napabalitang Eugene Rapanut, datihang DOTC supplier na naglapit umano kay Abaya ng Busan at Edison? At totoo ba na si Liberal Party fundraiser Marlo dela Cruz, dating nasa PH Trams at Global Epcom, ang ngayo’y nasa likod ng tatlo pang Pilipino companies?