Dapat maghanda
NAGKAKAINITAN ang Saudi Arabia at Iran. Ipagdasal natin na sana ay pairalin nila ang lamig ng ulo at hindi ito humantong sa shooting war.
Nagalit ang Iran nang pugutan sa Saudi Arabia si Shi’ite cleric Sheikh Nimr Baqir al-Nimr at 46 pang iba na karamihan ay Sunni extremist convicts. Ang mga teroristang pinugutan ay kabalahibo ng Iran.
Mahalaga sa atin ang katahimikan sa Middle East dahil ang bilang ng OFWs sa Saudi Arabia ay 1,028,802 at sa Iran naman ay 4,876.
Kapag nagkaroon ng digmaan, manganganib ang buhay ng mga kababayang nagtatrabaho roon.
Kaya ngayon pa lamang dapat ay nakahanda na ang contingency plan ng Department of Foreign Affairs. Dapat kumilos na ang ating embahada sa Saudi, pati na ang Department of Labor at Philippine Labor Overseas Offices.
Pagsabihan nila ang mga OFW na laging makipag-ugnayan sa embahada para alam nila ang gagawin sakaling sumiklab ang karahasan. Dahil kung didigmain ng warfreak na Iran ang Saudi Arabia, tiyak na magsasagawa ang ating gobyerno ng massive evacuation.
Unang ililikas ang mga OFW na ang job sites ay sa mismong sentro ng digmaan.
Dapat 24/7 ay nakahanda ang ating gobyerno para sa mabilisang evacuation at emergency plans.
Ngayon pa lamang, dapat may kasunduan na ang ating gobyerno sa Philippine Airlines at Cebu Pacific na on call sila at maari silang lumipad patungong Saudi Arabia para kunin ang mga OFW kapag nagsimula ang bakbakan.
Mabuti na ang nakahanda kaysa hindi dahil nakasalalay sa ating paghahanda ang kaligtasan ng mahigit isang milyong kababayan.
Ang kaligtasan ng bawat buhay ang mahalaga. Pananagutan ng gobyerno ang kaligtasan ng bawat OFW na naglilingkod hindi lamang sa Middle East kundi kahit sa maraming bahagi ng mundo.
- Latest