EDITORYAL – Isasakripisyo ba ang mga pasahero ng MRT?

HINDI na ba talaga naaawa ang gobyerno o ang Department of Transportation and Communications (DOTC) sa may 500,000 pasahero ng Metro Rail Transit? Halos araw-raw ay pumipila sila ng isang kilometro para makasakay at madalas ay hindi dahil laging nagkakaaberya. Noong Biyernes, muli na namang nasira ang MRT kaya nakanganga na naman ang mga pasahero.

Kahit nagtaas ng pasahe noong nakaraang taon, walang nabago sa serbisyo ng MRT at lalo pang sumama. Akala nang marami, magkakaroon nang pagbabago makaraang magtaas ng pasahe pero wala talaga.

Ang nakapangangamba ngayon, masasakri-pisyo pa yata ang buhay ng mga pasahero dahil wala nang daily maintenance ang MRT. Wala nang nagmamantini ng brakes at bogey wheels. Wala na ring nag-iinspeksiyon ng mga riles kung mayroon itong cracks. Wala na ring nagtetesting sa mga signaling system at iba pang mahalagang bagay sa MRT para maging maayos ang pagtakbo.

Kung wala nang nagmamantini, nasa panganib ang mga pasahero ng MRT. Tila nakalagay na ang ‘‘isang paa nila sa hukay” sa bawat pagsakay sa MRT. Pero walang magawa ang commuters kundi pagtiisan ang nararanasang kalbaryo sa MRT. Wala silang pagpipilian.

Limang buwan na lamang at bababa na sa puwesto si President Noynoy Aquino at tila hindi niya nararamdaman ang kalbaryong dinaranas nang maraming pasahero ng MRT. Wala na bang pakiramdam at nagsabi pang “pasasagasa sila sa MRT”. Mayroon ngang biniling coaches sa China pero kulang-kulang kaya hindi pa napapakinabangan.

Sobrang kawawa ang dinaranas ng mga pasahero sa MRT na mula pa nang maupo si Aquino ay hindi na nagkaroon ng pagbabago. At sa kabila nang kapalpakan ng DOTC na may kargo sa MRT, hindi kayang sibakin ni P-Noy si Sec. Joseph Emilio Abaya. Sino ba ang “boss” ni P-Noy?

Show comments