BUMALIK na sa normal ang lahat. Balik opisina, balik sa eskwelahan, at siyempre, balik ang matinding trapik. Ano pa ba ang bago sa Metro Manila? Pero meron naman. Umarangkada na ang mga double-decker na bus sa EDSA. Labinlimang double-decker na bus ang bumibiyahe ng P2P o “point-to-point”. Ibig sabihin hindi hihinto ang bus hanggang dumating sa kanyang destinasyon. Ang biyahe ay mula Trinoma sa Quezon City hanggang Makati. Magandang ideya, na sana ay noon pa ipinatupad. Kung mag-isa lang naman sa sasakyan at sa Makati o Quezon City lang naman pupunta, puwedeng iparada na lang ang sasakyan sa mga mall at sumakay na lang sa bus na ito. Naaalala ko may mga kulay pulang double-decker bus noon sa Luneta. Wala ngang bubong ang pangalawang palapag. Nawala na lang ang mga ito. Ngayon, bumabalik na naman.
Dapat nga mas maraming bus na ganito. Isipin mo na ang kakayanan magsakay ng pasahero ay katumbas ng dalawang bus, pero ang kakaining lugar sa kalsada ay katumbas ng isang bus lang. Kung lahat ng bus ay ganito, mangangalahati ang bilang ng mga bumibiyaheng bus sa EDSA, hindi ba?
Binasa ko rin ang mga dahilan na binanggit ng isang ehekutibo ng American Chamber of Commerce, na ang Metro Manila ay maaaring hindi na matitirahan ng tao sa loob ng apat na taon. Sinita niya ang mga problema na likas naman sa isang siyudad ng isang mahirap na bansa. Kakulangan ng kalsada, masamang trapik, basura, kulang na pampublikong sasakyan, kahirapan, pagbaha, problema sa tubig at kuryente, lumalaking populasyon, lahat na. Pero ginagawan naman ng paraan ang lahat. Hindi naman parang walang ginagawa para matukoy ang mga problema na ito. Hindi lang talaga magagawa nang mabilisan, mas lalo na kung tiwali ang gobyerno na mamumuno. Ilang administrasyon na hindi maayos ang kalakaran ang pinagdaanan ng bansa, kaya nasa ganitong sitwasyon ngayon.
Kailangan talaga ng upgrade ang Metro Manila. Kung ito nga ang tinutukoy na sentro ng buong bansa, dapat lang na maraming baguhin. Inabot na ng kalumaan ang ilang imprastraktura. Maraming mga modernong solusyon na maaaring magamit sa bansa para matukoy ang mga problema. Pero lahat iyan ay walang saysay kung wala ring disiplina ang tao. At hindi mo kailangang lumayo para makita na wala ngang disiplina ang marami. Mula sa pagtapon at pag-iwan ng mga basura sa Rizal Park noong Pasko at bagong taon, pati sa pagtawid sa kalsada kahit may overpass naman, hanggang sa paglabag sa mga simpleng batas tulad ng pagsakay at pagbaba ng pasahero na wala sa lugar. Ipagsama-sama mo ang lahat na ito, at malaking problema nga ang resulta. Balik normal na nga talaga.